OFWs, call center tatamaan ng krisis
Hindi makakalibre ang Pilipinas sa nagaganap na problemang pampinansyal sa buong mundo bunsod ng krisis sa Amerika. Ito ang babala ng economic expert na si Marc Faber na nakakita sa Asian financial crisis bago pa ito naganap noong dekada 90.
Ang nakikita kasi, umpisa pa lamang ngayon ng krisis at ang isa sa nakikitang tatamaan ay ang mga OFW. Tantiya ng Department of Labor and Employment, nasa 50,000 OFW sa US ang maapektuhan.
Dahil dito, naghahanda na ang gobyerno sakaling magbalik Pilipinas sila. Pati kaanak ng mga pamilya dito sa Pilipinas, naghahanda na.
Mga OFW maaaring mag-Australia na lang
Kung pinangangambahang mawalan ng trabaho ang mga Pinoy sa Amerika, pwede naman silang saluhin ng Australia dahil imbes na magkatanggalan doon sa trabaho, magdadagdag pa ng mga manggagawa.
Sampung libong trabaho ang naghihintay sa mga Pinoy sa Australia. Sabi ni Philippine Overseas Employment Administration administrator Jennifer Manalili ngayong kumonti na ang mga OFW na pinadadala sa Amerika dahil sa krisis doon, magandang alternatibo ang Australia.
In-demand ngayon sa Australia ang mga nurses, mga karpentero at pipefitters, mga magsasaka at mga engineer - mga trabahong hinahanap din sa US.
Nandito ngayon sa bansa si Australian Foreign Minister Stephen Smith at iba pang mga opisyal ng Australia. Sila na mismo ang nakikipag-ugnayan sa ating gobyerno para mapabilis ang pagpunta ng mga OFW sa Australia.
Ayon pa kay Smith malakas ang ekonomiya ng Australia ngayon. At imbis magbawas ng mga trabahador ang mga kumpanya roon gaya ng nangyayari sa Amerika, magdadagdag pa sila.
Pamilya Teehankee di pa rin nakakasama si Claudio
Hindi pa rin nakakasama ng pamilya Teehankee si Claudio Jr. na umalis na sa kaniyang tinuluyan. Patuloy pa kasing sumasailalim sa counseling at rehabilitation ang murder convict.
Ilang taon na rin mula nang sumulat si Pilar Teehankee, ang ina ni Claudio, kay Pangulong Arroyo upang ihingi ng pardon ang anak. Sabi ng mga Teehankee, pati sila nagulat nang palayain na si Claudio Jr. Pati raw sila hindi rin naabisuhan.
Hindi naman ipinagkait ni Vivian Hultman, ina ni Maureen, ang kahilingan ng ina ng nakapatay sa kaniyang anak na mapalaya ang anak. Ang hindi niya masikmura ay ang paglilihim umano ng administrasyong Arroyo sa pardon. Naging mas masakit pa ang pangyayari dahil ito'y tumapat sa birthday at death anniversary ni Maureen
Sa kabila ng hinagpis ng mga hultman, nagpatutsada pa si Justice Secretary Gonzalez sa pamilya Hultman.
Lacson naglabas ng ebidensya vs Villar
May inilabas na namang bagong bala si Senador Panfilo Lacson laban kay Senate President Manny Villar -- isang kasunduan at tseke na sinasabi niyang katibayan na nakinabang umano si Villar sa C-5 road extension project.
Katibayan daw itong nakipag-swap o nakipaglit ng lupa sa Masaito Development Corporation sa Adelfa Properties, Inc., na pag-aari nina Villar. Ito ang lupang dinaanan ng C-5 extension road project.
Ipinakita ni Lacson ang tseke at acknowledgment receipt. Patunay daw itong sa kumpanya nina Villar napunta ang ibinayad para sa right of way. Sabi ni Lacson, bahagi ito ng ibinayad ng DPWH transaction sa pagpapagawa ng right of way sa Sucat, Parañaque. Chairman daw noon ng finance committee ng Senado si Villar.
Ayon kay Lacson, P48 million ang kabuuang ibinayad ng gobyerno. Pero, mahigit sa P45 million lamang ang pumasok sa bangko.
Tumangging magbigay ng pahayag ang kampo ni Villar. Balak namang gisahin ni Lacson ang mga opisyal ng DPWH sa nakatakdang Senate budget hearing sa Lunes.
Pagpasa sa JPEPA kukwestiyunin sa Korte Suprema
Bago magbakasyon ng isang buwan ang Senado, niratipikahan ang Japan Philippines Economic Partnership Agreement. Labing-anim na Senador ang bumoto pabor sa JPEPA. Apat ang kumontra.
Nakatakda naman itong kwestyunin sa Korte Suprema ng No Deal Movement at ng Fair Trade Alliance.
Dapat anilang managot ang Senado sa pag-pasa sa kasunduan na itinuturing nilang iligal at anti-Filipino.
Sergio Apostol nagbitiw bilang chief legal adviser ng Palasyo
Nagbitiw na bilang Chief Legal Counsel ng Pangulo si Sergio Apostol. Kinumpirma ito kanina ni Executive Secretary Eduardo Ermita.
Ayon kay Ermita, nagdesisyon si Apostol na sumama sa board of directors ng Unionbank.
Wala pang nahahanap ang Malacañang na papalit kay Apostol.
Galit sa asawa isang dahilan ng incest
Base sa record ng DSWD, halos 700 kaso ng incest ang naitala noong 2007. Ang karaniwang salarin - ang ama.
Ayon kay Asuncion Flores, head social worker ng DSWD, nangyayari raw ito sa isang pamilya kung saan karaniwang laging wala ang ina.
At sa pag-aaral nila hindi lang pagkalulong sa alak o droga ang dahilan. Nadiskubre nilang may kinalaman din ang matinding galit ng lalake sa kanyang asawa kaya nagagawa nitong halayin ang sariling anak na babae.
Kadalasan, umaabot nang mula anim na buwan hanggang limang taon bago magreklamo ang biktima.
Gatas na may melamine balak ibalik sa China
Bumuo na ng komite na tututok kung paano ididispatsa ang mga gatas na bawal nang ibenta dahil nahaluan ng kemikal na melamine. Ang balak: isauli sa Tsina.
Sabi ng mga distributor ibalik na lang sa mga tindahan ang mga hindi pa nabuksang produkto para makakuha ng refund. Pero sa mga nabuksan na, pwede na itong itapon sa lababo dahil hindi naman nakalalason ang melamine sa ganitong kadaming gatas. Pero ayon sa Bureau of Food and Drugs, pwede ring itapon sa mga tambakan ng basura ang mga kontaminadong gatas.
Bumuo na ng komite ang gobyerno para tutukan ang pagtatapon ng mga gatas na may melamine sa pangunguna ng Bureau of Customs.
Pero sabi ng Customs magastos ang pagtambak sa landfill! Pinakamahusay pa rin daw kung ibabalik na lang sa Tsina ang mga kontaminadong gatas. Sa ngayon, pitong importer na ang pumayag na sagutin ang gastos sa pagbabalik ng mga gatas.
Babaeng boxers naghahanda nang ibandila ang galing ng Pinay
Pitong pinay ang naghahanda ngayon para sumabak sa bakbakan sa Nobyembre. Sila ang pambato ng Pilipinas sa darating na AIBA Women's World Championship sa Xiangjiang, China ngayong Nobyembre.
At hindi lang basta-basta ang training: umakyat pa sila ng Baguio para lumakas ang resistensya at may maka-sparring na mga lalaking boxers. Ito ang unang pagkakataon na ipinarehas nila ang training ng mga lady boxer sa men's boxing team.
Ang two time world bronze medalist na si Mitchelle Martinez, sinasagad ang pagti-training. Kahit maraming nagsasabing malakas ang laban nila, hindi pwedeng sumobra ang kumpiyansa.
Pagkatapos ng World Championships, balik-training ulit ang mga lady boxer para paghandaan naman ang Asian Games sa 2010.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM






