Bandila, Lunes, Oktubre 13, 2008
Bandila, Lunes, Oktubre 13, 2008
10/14/2008 1:36 AM

‘Buy Filipino’ isusulong ngayong panahon ng krisis
Pag may dilim, may liwanag. Kung may mga pinangangambahang epekto ng pandaigdigang krisis sa pananalapi, nakikita ring tsansa na ito para umangat ang mga produktong gawang Pinoy.

Inamin ng mga economic managers na hindi na makakaiwas ang Pilipinas sa epekto ng global financial crisis. Pero umaasa ang Bangko Sentral na makokontra ito ng laki ng remittance ng mga OFW, lalo na ngayong magpapasko.

Pero, naniniwala naman ang ilang ekonomista na may bentahe ang krisis pang-ekonomiya para sa mga produktong Pinoy. Tingin nila, papatok ang lokal na negosyo at tatangkilikin ang mga produktong Pinoy, lalo pa't dahil din sa China milk scare---marami na ang natakot bumili ng mga gawang China at iba pang produktong imported.

At sa "Buy Filipino" campaign na ito---mauuna na ang gobyerno. Sasampulan ito sa taunang pagbili ng mga gamit para sa iba't ibang opisina ng gobyerno.

Pagsampa ng impeachment vs Arroyo ‘bad timing’ umano
Habang nakatuon ang buong mundo sa krisis pang-ekonomiya, nagsampa ng panibagong impeachment complaint sa Kamara para mapatalsik sa puwesto si Pangulong Arroyo. Kaya, ang tingin dito pati ng ilang kongresistang taga-oposisyon-- bad timing.

Tingin nila, makikinabang rin lang dito ang kakampi ng Pangulo. Tuwing may isinasampa kasing impeachment complaint, nabibiyayaan daw ng proyekto ang mga kaalyado ng Pangulo kapalit ng pagbasura ng reklamo.

Sabi ni Speaker Prospero Nograles, aksaya lang sa oras ang impeachment complaint. Malabo daw kasing umusad ito sa dami ng mga kaalyado ng Pangulo sa Kamara.

Pero ayon kay dating pangulong Joseph Estrada, ma-impeach man si Pangulong Arroyo o hindi, hindi na maloloko ang taumbayan na matagal na raw siyang hindi itinuturing Pangulo.

Ayaw namang patulan na ng Malacañang ang reklamo na base sa tinatawag nilang luma nang isyu. Ang mas dapat  daw tutukan ay ang mga problemang pang-ekonomiya.

Anti-foreclosure law ipinasa na
Magandang balita para sa mga hindi nakakabayad ng utang sa bahay. Ganap nang batas ang Socialized and Low Cost Housing Loan Restructuring Act of 2008. Nilagdaan na ito ni Pangulong Arroyo Lunes.

Sa ilalim ng batas, pwedeng mag-apply para sa loan restructuring ang mga tatlong buwan nang hindi nakakabayad ng buwanang amortisasyon.

Ang mga ma-aprubahan ay hindi na pagbabayarin ng multa at surcharge. Pahahabain din ang taon ng pagbabayad para lumiit ang inihuhulog buwan-buwan. Sakop ng batas ang mga may utang na hanggang P2.5 million.

Inilalaan ang programa para sa mahigit 368,000 pamilya na namemeligrong mawalan ng tirahan dahil hindi nakakabayad ng utang.

P1.2 bilyon sa C-5 road project nasayang lang ayon kay Lacson
Kahit hindi pa dinidinig ng Senate ethics committee ang reklamo laban kay Senate President Manny Villar, nagdagdag na ng reklamo si Senator Ping Lacson. Hindi daw pinakinabangan ang right of way na P1.2 bilyon ang ibinayad ng gobyerno dahil inilihis ang C-5 road extension para madaan sa mga subdivision ng mga Villar.

Nagtataka din si Lacson kung bakit ang mga loteng pag-aari lamang nina Villar na tinamaan ng right of way ang naipa-reclassify bilang commercial lands kaya tumaas ang halaga gayong ang mga katabing lupa tulad ng pag-aari ni Cong. Ompong Plaza ay mas mura.

Ayaw munang magbigay ng pahayag ng kampo ni Villar na bumiyahe para dumalo sa Inter-Parliamentary Union assembly sa Switzerland. Pero, ayon sa kaalyado niyang si Sen. Alan Cayetano, hindi nangangahulugang nakinabang ang mga Villar sa proyeko komo sila ang nagsulong nito.

Wala namang maibigay na paliwanag si DPWH Secretary Hermogenes Ebdane dahil naipatupad ang proyekto bago pa siya maupo sa DPWH. Pero nangako siyang isusumite ang mga hinihinging dokumento tungkol sa isyu.

SM group seryoso sa planong bilhin ang Philamlife
Kinumpirma ng pinakamalaking negosyo sa bansa – ang SM Group - na interesado itong bilihin ang Philamlife. Nag-abiso ito sa Philippine Stock Exchange na tinitignan nila ang insurance company na ibinebenta na ng American International Group o AIG.

Planong gamitin ng SM ang bangkong pag-aari nito -- ang Banco de Oro - para bilihin ang Philamlife, pero dahil sa laki ng perang kailangang bunuin balak din ng SM na sumosyo sa isang foreign partner.

Nauna nang ibinalita ng ABS-CBN News na isa ang pamilya Sy sa mga interesadong bilihin ang Philamlife. Swak kasi ito sa ilang negosyo ng mga Sy.

Pero bukod sa pamilya Sy, nagsabi na rin ang Ayala at Yuchengco group na  interesado sila sa Philamlife. Pati ang GSIS gustong mag-invest sa kumpanya.