Bandila, Martes, Oktubre 14, 2008
Bandila, Martes, Oktubre 14, 2008
10/15/2008 12:34 AM

Pagbasura sa MOA-AD sinalubong ng iba’t ibang reaksyon
Tulad ng inaasahan, ibinasura ng Korte Suprema ang kasunduan ng gobyerno at MILF - labag daw sa batas. Wala ni isa sa 15 mahistrado ang umayon sa kasunduan na magpapalawak sana sa teritoryo ng MILF.

Ayon sa Korte Suprema, hindi dapat pumasok ang gobyerno sa kasunduang sasagasa sa kapangyarihan ng Kongreso, ng ibang constitutional convention, o karapatan ng taumbayan.

Pero para kay Senador Mar Roxas, na isa sa mga nagpetisyon laban sa MOA-AD, dapat sibakin na ang mga nasa likod ng ibinasurang kasunduan.  

Tingin ni North Cotabato Vice-Governor Manny Piñol, tagumpay ito ng taumbayan.  Magdidiwang naman ang Iligan Cty. Idineklara ng Sangguniang Lungsod na thanksgiving day ang October 19 dahil sa pagkabasura sa tinututulan nilang kasunduan. Ang Malacañang, ayaw na itong pag-usapan.

Hindi naman nagulat na ang MILF. Alam na raw nilang hindi talaga ito papaburan sa Korte Suprema. Kaya ang susunod nilang hakbang, dumulog sa International Court of Justice.

Mga OFWs na mawawalan ng trabaho, pinayuhang magnegosyo
May 50,000 OFW ang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa pandaigdigang krisis pampinansyal. Payo sa kanila ng gobyerno: magnegosyo.

Problema ngayon ng marami sa ating mga OFW ay kung saan sila kukuha ng perang pampuhunan sa negosyong kanilang sisimulan. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas maraming puwedeng lapitan ang mga OFW para makakuha ng puhunan.

Unang-una na ang DTI na may kumpletong listahan ng mga institusyong nagpapa-utang para sa mga magne-negosyo. Para sa P5,000 hanggang P50,000 pwedeng lumapit sa mga kooperatiba. Puwede rin naman umutang sa mga thrift at rural banks.

Pero kung hindi ka pa handang umutang sa bangko, pwede kang lumapit sa mga micro-finance lending institutions tulad ng Small Business Corporation.

Sa mga interesado sa microfinance, may kumpletong listahan sa www.napc.gov.ph. Pero huwag kalimutang lapitan iyong friends and family. Sila ang unang makakatulong sa iyo.

Bentahan ng kotse sa Pilipinas tumaas
Mas mahilig ba tayo sa kotse? Kung sa Amerika, bagsak ang bentahan ng kotse dahil sa krisis pampinansyal,  dito sa Pilipinas, lalo pa itong tumaas.

Ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc.  o CAMPI, 94,131 sasakyan ang naibenta mula Enero 2008. Tatlumpu't anim na libo dito, ginagamit sa negosyo.

Dumarami kasi ang mga Pinoy na ginagamit ang mga padalang pera ng OFW para makapagtayo ng negosyo gamit ang sasakyan.

Kaya payo ng mga automotive manufacturer, huwag lang basta-basta i-base sa itsura o porma ang pagbili ng sasakyan. Isipin din kung paano ito magagamit para kumita ng pera.


Opisyal ng PNP hinarang sa airport sa Russia

Hinarang sa airport sa Moscow, Russia si PNP Director for Comptrollership Eliseo dela Paz . Ang dahilan? May bitbit siyang mahigit 120 thousand euros na cash---o katumbas ng P7.5 milyon.

Nasa $10,000 lang o 7,400 euros ang limit sa cash na pwedeng dalhin. Papauwi na sana sa Pilipinas si dela Paz, kasama ang ilang opisyal ng PNP mula sa 77th Interpol assembly sa Moscow.

Kinumpirma ito ni PNP spokesman Nicanor Bartolome. Pero hindi pa matukoy kung magkano talaga ang halagang dala niya. Hindi rin daw nakakulong sina dela Paz.

Street art, astig!
Kung dati, ipinagbabawal ang mga graffiti o drawing sa pader, ngayon, itinuturing na rin itong sining tulad ng ginagawa ng astig na Pilipinas Street Plan!

Labinlima ang miyembro ng grupo na may iisang adhikain: ang ilapit sa masa ang kanilang obra. Ang mga pader sa kalye ang nagsisilbing canvass at buong Metro Manila naman ang kanilang museo.

Hindi raw tulad ng graffiti ang kanilang art works. Dahil sa husay ng Pilipinas Street Plan, sila ang napili ng Bandila para ilarawan sa kalye ang makabuluhang pagbabalita.