Bandila, Miyerkules, Oktubre 15, 2008
Bandila, Miyerkules, Oktubre 15, 2008
10/16/2008 1:15 AM

Dela Paz paiimbestigahan pag-uwi
Pauwi na ng Pilipinas si PNP director Eliseo dela Paz noong October 11 nang maharang sa airport sa Moscow, Russia. Ang dahilan: napakalaki ng bitbit niyang cash-- mahigit 105,000 euros o katumbas ng P7 milyon.

Depensa ni dela Paz at ng DILG, pondo ng PNP ang dala niya. Contingency fund o sobrang panggastos nina dela Paz at pito pang opisyal ng PNP sa 77th Interpol general assembly sa Russia.

I-a-audit ng Napolcom si dela Paz para daw malaman kung nagamit ang pondo ng PNP sa personal na lakad. Kasama ang gastusin ng apat sa misis ng mga PNP delegates at isang media man. Dahil sa nangyari sisilipin na nila ang patakaran sa pagbibiyahe ng mga opisyal ng PNP.

Ayon naman kay Anti-Money Laundering Council executive director Vic Aquino, wala naman daw sana problema kung idineklara lang ni dela Paz ang dala dalang pera sa customs.

Crisis fund pinaghahandaan ng Asya
Kung may rescue plan sa Britanya, naghahanda naman ng crisis fund para sa Asya. Isa ito sa mga ipinapangakong pansalo ng Pangulo sa mga OFW na mawawalan ng trabaho.

Sabi ng Pangulo, nagkasundo na ang mga bansa sa Southeast Asia, Japan, China at South Korea na bumuo ng tinatawag na crisis fund. Gagamitin itong pang-ayuda sakaling may bumagsak na bangko at investment company sa Southeast Asia. $10 bilyon ang paunang halaga na ibibigay ng World Bank.

Sabi ng Pangulo, bahagi ng pondo ilalaan para sa mga OFW na mawawalan ng pagkakakitaan. Ang nakikitang problema ni Dr. Ernesto Pernia ng UP School of Economics remedyo lang ito at hindi pangmatagalan.

BSP kumilos para magturo ng financial literacy
Lumiit na ang perang ipinapadala ng mga OFWs kaya kumikilos ang Bangko Sentral para alalayan ang mga OFW at kanilang mga pamilya. Ito'y sa pamamagitan ng financial literacy program. Umiikot sila sa mga probinsya at mga bansang maraming OFW para magsagawa ng mga seminar.

Layunin ng programang ito ng Bangko Sentral ay balang araw hindi na kailangan ng ating mga OFW na mangibang bansa, makapagpundar lamang ng kabuhayan.

Maliban sa negosyo, nagbibigay din ng impormasyon ang BSP sa iba pang uri ng investment gaya ng time deposits, treasury bills o savings account. Ang magandang balita lang, base rin sa record ng BSP, mas maraming mga pamilya na ng mga OFW dito ang natututo nang mag-ipon.

Claudio Teehankee Jr. balik kulungan nga ba?
Ibalik sa kulungan si Claudio Teehankee Jr.. Ito ang nakasaad sa petisyong inihain ni Atty. Ernesto Francisco sa Korte Suprema.

Ayon sa naging abugado ng mga napatay at nabaril ni Teehankee, walang batayan ang pagpapaikli ng sentensya. Karaniwang ginagawa lang daw kasi ito kung 70 anyos na ang bilanggo o may malubhang karamdaman, at masyadong mabigat ang parusa kumpara sa krimen.

Ni hindi pa nga raw binabayaran ni Teehankee ang civil damages para sa kasama ni Maureen Hultman na napatay na si Roland Chapman at sa nabaril din niyang si Jussi Olavi Leino.

Batang inabuso ng tiyuhin nakapiling na ang ina
Nagkita na rin ang batang inabuso ng tiyuhin at ang nagprisintang nanay nito na Martes pa dumating mula Bahrain. Pero, hindi pa rin ma-i-u-uwi ng ina ang bata.

Umaga pa lang, inihanda na ni Parida ang pasalubong na manyika at damit sa anak. Pero naiyak na siya nang ipaliwanag ng DSWD na hindi pa maibibigay sa kanya ang bata habang dinidinig pa ang kaso laban sa tiyuhing umabuso rito. Aalamin pa rin kasi kung siya nga ang tunay na ina dahil sa alegasyong hindi niya ito anak.

Nang una silang magkita, tinangkang kargahin ni Parida ang bata. Pero nagpumiglas ito. Ayon sa psychologist, normal na reaksyon lang ito ng bata na iniwan ng magulang.

Ayon sa DSWD, hindi na kailangang isailalim si Parida sa DNA test. May ibang paraan pa raw kasi para malaman ang ugnayan ng dalawa. Maaring bumilang ng buwan ang proseso pero handa raw maghintay si Parida.

Mga gawang-Pinoy na Christmas décor patok sa buong mundo
Kung marami ang pinoproblema ang gastos tuwing Magpapasko, pagkakataon naman ito ng mga exporter ng Christmas decors para tumiba.

Parang mga raindeers ni Santa Claus ang mga trabahador ng Alriver Company. Walang tigil sa paggawa ng mga pang-dekorasyon tuwing Pasko para sa buong mundo.

Dalawampung years na sa paggawa ng mga Christmas decor ang kompanya. At sila mismo ang nagdidikta kung ano ang uso. Pero minsan, ang ibang idea, nanggagaling din sa mga kliyente.

Pagdating sa mga disenyo, hindi sila patatalo. Nag-evolve na rin ang tradisyunal na belen. Sila rin ang pasimuno sa paggawa ng Holy Family na nakasakay pa sa donkey.

Tuwing papalapit ang Kapaskuhan, umaabot nang mahigit 200 ang kanilang trabahor. At kahit mas mura ang mga gawang China, bilib pa rin daw ang mga dayuhan sa kalidad at ganda ng gawang Pinoy.