Bandila, Huwebes, Oktubre 16, 2008
Bandila, Huwebes, Oktubre 16, 2008
10/17/2008 12:38 AM

Higit P9 milyon dala nila dela Paz sa Russia
Lumalabas ngayon na mahigit P9 milyon ang kabuuang perang dinala ng mga pulis na pumunta sa Russia.

Noong Miyerkules, sinabi ng Napolcom na P2.3 million ang inaprubahang budget para sa biyaheng ito. At bukod sa P2.3 million na inaprubahan ng Napolcom, inamin ng PNP binigyan pa nila ang delegasyon ng dagdag na P6.9 million.

Para kay Senador Panfilo Lacson na dating PNP chief, kaduda-duda ang contingency fund na ito. Pati ang Napolcom, nagulat sa laki ng contingency fund. At kapag hindi na-justify ng PNP at ni dela Paz ang halos P7 milyong idinagdag sa travel allowance, kakasuhan siya ng graft at malversation.

Stock market, piso lalong sumadsad
Lumala ang krisis pang-pinansyal. Damay na naman ang ibang merkado sa buong mundo sa paglagapak muli ng US Dow Jones. Sadsad ito ng 733 points nang magsara Miyerkules, isa sa pinakamalaking bagsak sa kasaysayan.

Nakikita kasing walang epekto ang ipinangakong bailout plan para maisalba ang ekonomiya ng Amerika. Nadagdag pa ang pag-amin ng opisyal ng US Federal Reserve na may recession na. Pati malalaking merkado sa Europa at  Asya, sumadsad din.

Pati ang Philippine Stock Exchange, talo nang magsara Huwebes. Humina ulit ang piso na mahigit P48 na ang palitan sa bawat dolyar.

Paglago ng pera posible pa rin kahit krisis
Pag sinabing may krisis, ang kadalasang nakikita, pagkalugi. Pero, sa maniwala kayo't sa hindi, may nakikita itong pagkakataon para umasenso.

Una at para sa mga segurista ang tinatawag na "government securities." Gobyerno mismo ng Pilipinas ang nag-aalok. Pwede itong bilihin sa mga bangko, at depende sa haba ng termino ang interes na kikitain. Republika ng Pilipinas ang gumagarantiya sa mga ito.

Sa matibay-tibay ang loob pwede pa rin ang stock market -- kahit duguan ito dahil sa financial crisis. Kung may pera, maganda rin pasukin ang negosyo ng real estate. Nagmumura kasi ang presyo ng lupa.

Pero may napatunayan na bang yumaman sa panahon ng krisis? Patunay ang mga Sy -- may-ari ng SM Malls -- na posible ito. Kasagsagan ng People Power noong dekada 80 nang mabili ni Henry Sy Sr. ang lupang kinatatayuan ngayon ng SM North Edsa. Noong 1991 naman, habang problemado ang buong bansa sa araw-araw na brownout, binili naman ni Sy ang SM Megamall.

Payo naman ng kilalang banker na si Aurelio Montinola ng Bank of the Philippine Islands, maging matalino sa mga panahong ito.

World Food Day sinalubong ng protesta
Kaliwat-kanang kilos protesta naman ang isinalubong sa paggunita ng World Food Day.

Sabay-sabay na nagpakalbo ang siyam na magsasaka na galing pang Negros Oriental sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR). Ipinoprotesta nila ang diumano'y pambabakod ng pamilya Teves sa lupang ibinigay sa kanila ng DAR sa ilalim ng CARP.

Itinanggi naman ni dating congressman Herminio Teves ang akusasyon ng mga magsasaka. Nakausap na ng DAR ang pamilya Teves at inaksyunan na rin ang mga hiling ng mga magsasaka.

Nag-kilos protesta din ang mga militante sa tapat ng Department of Agriculture at US Embassy bilang paggunita sa World Food Day. Isinisisi nila sa gobyerno ang paghihirap ng maraming Pilipino na nagugutom ngayon. Nagsunog naman ng bandila ng Amerika ang Anakbayan at Bayan bilang protesta sa mga patakaran ng Amerika na  pumapatay sa lokal na industriya.

Mga Pinoy na tripulante na-hostage muli sa Somalia
Nakauwi na sa bansa ang 15 Pinoy seaman na nabihag sa Somalia. Ang masaklap, meron na namang mga na-hostage ulit.

Halos  dalawang buwan ring bihag ng Somali pirates ang 15 Pinoy seaman ng chemical tanker na M/T Irene. Agosto 21 na-hijack ang kanilang barko sa Gulf of Aden, Oktubre 8 nang sila’y pakawalan. Hindi naman daw sila sinaktan.

Gusto ng kanilang mga kaanak, tumigil na sila sa pagsi-seaman. Pero, mapipilitan pa rin silang sumakay uli ng barko para kumita. Pumunta pa ng Pilipinas ang may-ari ng kanilang barko mula sa Japan para tiyaking maayos ang kalagayan nila.

Kung may nakauwi, may mga nabihag na naman. Ayon sa DFA, 21 Pinoy seaman na naman ang binihag ng mga pirata sa Somalia dalawang araw lang ang nakakaraan. Nasa 74 na mga Pinoy ang bihag sa Somalia ngayon.

Mag-anak sugatan sa pagsabog sa Bocaue
Mag-anak sa Bocaue, Bulacan sugatan nang sumabog ang pagawaan ng paputok sa bahay.

Magang-maga at duguan ang buong mukha ni Mario Gayo, 38 taong gulang, nang isugod sa ospital sa Sta. Maria, Bulacan Huwebes ng hapon. Ayon sa Bocaue pulis, gumagawa umano ng paputok si Mang Mario sa labas ng kanilang bahay ng maaksidente.

Sa imbestigasyon ng pulis, hawak ni Mang Mario ang mga materyales sa paputok nang mangyari ang pagsabog. Ganito rin ang testimonya ng kapitbahay na nakakita sa nangyari. Pero itinganggi naman ni Mang Mario na gumagawa siya ng paputok.

Nasugatan din sa pagsabog ang kanyang asawa at walong taong gulang na anak. Nabitak naman ang pader ng bahay nina Mang Mario kung saan nangyari ang pagsabog.

Sa liblib na lugar sa Brgy. Bunlo sa Bocaue naganap ang aksidente. Bago makarating sa lugar kailangan munang maglakad sa gitna ng bukid. Aminado ang konsehal ng barangay na maraming ilegal na gumagawa ng paputok sa lugar nila. Iniimbestigahan na ng Bocaue police ang insidente.

Home-based business patok sa panahon ng krisis
Hindi lang pagkakagastusan kundi pagkakataon ding kumita ang panahon ng kapaskuhan. Pati nga mga nasa bahay lang, puwedeng kumita.

Todo arangkada ang factory ni Aling Mely Valenzuela, may-ari ng Ves Food Dessert. Daang kilong sangkap sa halu-halo ang niluluto niya araw-araw. Pero ang best-seller niya kapag magpapasko----ang leche flan, negosyong sinimulan lang niya nang maliit sa kanyang bahay.

Si Ju D naman ang tinaguriang fruitcake lady ng Pilipinas. Kakaiba raw kasi ang lasa ng fruitcake na gawa niya kumpara sa karaniwan. Sinubukan lang niyang panregalo sa mga kaibigan ang unang fruitcake na ginawa niya. At mula noon, tuwing Magpapasko---siguradong negosyo ito para kay Ju D.

Personalized chocolate bars naman ang negosyo ni Farah Orosco. Pumatok naman ang mga tsokolate ni Farah at tuwing Pasko---tambak ang order sa kanya.

Kung para sa iba, gastos lang ang Pasko, para kina Aling Mely, Ju D at Farah, sa konting sipag,tiyaga at pagkamalikhain oportunidad din ito para kumita at maging masagana ang Bagong Taon.