Bandila, Biyernes, Oktubre 24, 2008
Bandila, Biyernes, Oktubre 24, 2008
10/25/2008 2:12 AM

Pagpapalaya kay Rolito Go tinutulan
Opisyal nang tinutulan ng Pamilya Maguan ang pagpapalaya kay Rolito Go na humihingi ng kapatawaran dahil sa nagawa nitong krimen.

Ayon kay Grace Maguan, kapatid ng napaslang na si Eldon, sisiguruhin nilang hindi sila matutulad sa Pamilya Hultman. Nagluluksa ang Pamilya Hultman nang mapalaya si Claudio Teehankee Jr. na siyang pumatay kay Maureen.

Ipinakita pa ni Grace ang sulat nila sa Malacañang na opisyal na tumututol sa pardon o parole para kay Go.

Napatay NI Go si Eldon dahil lang sa away trapiko noong 1991 at nahatulan ito ng habambuhay na pagkakulong.

 

Pagpapapalit ng ‘contingency fund’ palaisipan para sa BSP
Papaano raw naipalit sa money changer ang 6.9 million pesos ng mga “euro generals?” Sino ang mga inutusan ni Ret. Comptroller Eliseo dela Paz?

Maraming tanong ang Bangko Sentral ng Pilipinas.

Nagtataka ang BSP kung bakit hindi inireport ng F&S Money Changer ang halos 5,000 euro o P300,000 na pinapapapalitan nila dela Paz kada linggo.

Batay kasi sa Circular 471, Section 9 ng BSP rules tungkol sa foreign exchange obligado ang mga bangko at money changer na ireport ang anumang foreign exchange transaction na lagpas ng 500,000 o kaduda-duda tulad ng pagpapalit ng 105,000 euros ng PNP.

 

Suspension sa Joanna Jesh posibleng matanggal
Posibleng tanggalin na ang 30-day suspension laban sa Joanna Jesh bus company.

Sinuspinde ng LTFRB noong Martes ang Joanna Jesh matapos makapatay ang dalawa nilang bus na nagkakarerahan sa Edsa.

May mga kundisyon sa bus company bago alisin ang suspensyon. Isa na rito ay ang pagse-seminar ng tatlong araw ng kanilang mga driver.

Sa kabila nito, naghain pa rin ng motion for reconsideration ang Joanna Jesh para tuluyan nang alisin ang suspension order. Itinakda sa October 28 ang hearing.

Pulong ng mga lider ng Southeast Asia isang ‘Gloria initiative’
Hindi pa man naidaraos ang pulong ng mga lider mula sa Timog Silangang Asya sa isinasagawang Asia Europe Summit sa Beijing, tinuring nang “Gloria initiative” ng Malacanang ang pagpupulong.

Tinalakay sa pulong ang mga pamamaraan kung paano sasalagin ng Association of Southeast Asian Nations ang krisis pananalapi na nagsimula sa Amerika at gumugupo ngayon sa buong mundo.

Matatandaang nauna nang inanunsyo ni Pangulong Arroyo ang ‘di umano'y $10 billion standby facility na ibibigay ng World Bank sa Asean sakaling mangailangan ng tulong ang mga bangko dito. Bagay na ‘di naman pala totoo.

Ngayon, lumabas na meron naman pala talagang inisyatibo ang Asean na mangalap ng pondo sakaling mangailangan ng pera ang ating mga bangko.

Erap pinasok ang teritoryo ni Chavit
Pinasok na ni dating Pangulong Joseph Estrada ang teritoryo ng kanyang pinakamatinding kaaway na si Luis “Chavit” Singson.

At sa kanyang pagbisita sa Ilocos Sur, sinabi niyang pinapatawad niya na si Chavit, ang star witness sa impeachment trial bago siya napatalsik sa Malacañang.

Pero duda pa rin si Chavit kay Erap. At kung meron man daw dapat humingi ng tawad, si Erap ‘yun dahil tinangka umano siyang ipapatay noon.