Bandila, Lunes, Oktubre 28, 2008
Bandila, Lunes, Oktubre 28, 2008
10/28/2008 12:21 AM

GSIS ibebenta na ang stakes nila sa Meralco

Pakakawalan na ng GSIS ang 27 percent stake na pag-aari nito sa Meralco. 
 
Sinabi ng GSIS na handang bilhin ng San Miguel Corp. ang stake nito sa Meralco sa halagang P30 bilyon.
 
May 90 pesos kada share ang napagkasunduang presyo na ibebenta ng GSIS sa San Miguel.
 
Bagama't marami ang nabigla sa bentahan sabi ni GSIS chief Winston Garcia magandang pagkakataon daw ang pagbenta ng shares. Ito ay dahil nagkasundo raw sila ng San Miguel sa maayos na presyo.
 
 
Bolante, ibabalik na sa Pilipinas
 
Napawalan na sa Kenosha County Jail sa Wisconsin si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante na unang hakbang para siya ma-deport pabalik sa Pilipinas.
 
Inaasahang dadaan siya sa Immigration and Customs Enforcement ng US bago magtungo sa Chicago kung saan siya iliipad patungong Detroit. 
 
Mula Detroit magkakaroon sila ng stop over sa Nagoya, Japan bago tumuloy sa Pilipinas. 
 
Makakasama niya ang mga escorts na US marshals at ang kanyang abugado roon.
 
Inaasahang darating si Bolante sa Pilipinas ganap na alas onse ng gabi.
 
 
 
Lalabagin ng Senado ang batas kung aartestihun nito si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante sa Martes ayon sa abogado ni Jocjoc na si Atty. Antonio Zulueta.
 
Aniya, walang poder ang Senadong mag-isyu ng arrest warrant.
 
Tanging ang Ombudsman lamang ang maaaring mag-imbestiga sa umano'y partisipasyon ni Bolante sa fertilizer scam dahil tinapos na ng Senado ang imbestigasyon nito.
 
Katunayan, aniya, nasa Ombudsman na ang report ng Senado.
 
 
Arroyo nakabalik na ng bansa galing China 
 
Si First Gentleman Mike Arroyo ang sumundo kay Pangulong Arroyo na galing sa limang araw na biyahe sa China. 
 
Ang uwing magandang balita: mamumuhunan sa Pilipinas ang pinakamalaking bangko sa mundo, ang Industrial and Commercial Bank of China.
 
Negosyo at ekonomiya ang mas gustong pag-usapan ng palasyo. At deadma na sila sa usapin ng pagbabalik ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante, na sinasabing malapit kay First Gentleman. 
 
 
Pito na ang patay sa Batangas accident
 
Pito na ang kumpirmadong namamatay at 15 naman ang sugatan sa jeep na nahulog sa bangin sa Talisay, Batangas. Lima sa mga sugatan ay mga bata.
 
Kitang-kita sa aerial shot na kuha ng Sky Patrol kung gaano kalalim ang inihulog mula sa kalsada ng jeep na puno ng pasahero sa may Ligaya Drive, Talisay.
 
Isa isa nang iniaalis ng bangkay at sugatan dito sa ospital ng Tagaytay at inililipat sa kani kanilang mga bayan sa batangas.
 
 
 
Agaw pansin ang isang bahay sa Siapno, Pacdal sa Baguio City dahil sa kamangha-manghang christmas decorations.
 
Paskong-pasko na sa bahay ng mga Juquiana. Pagpasok pa lang, daan-daang Santa Claus agad ang sasalubong sa mga bisita.
 
Merong nakahiga, may nag-swi-swing, meron ding nakabitin sa kisame.
 
Bukod sa nagdadamihang Santa Claus, meron ding sari-saring angels at snowman.
 
Agaw pansin din ang sabsaban at ang magarbong miniature Christmas Village.
 
 
Panoorin ang Kabuuan ng Bandila sa TFCnow