Bandila, Martes, Oktubre 28, 2008
Bandila, Martes, Oktubre 28, 2008
10/29/2008 1:20 AM
Bolante binasag ang kanyang katahimikan 
 
Ilang sandali bago lumapag sa NAIA ang eroplanong sinasakyan ni dating agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante, ipinamahagi na sa media ang kanyang arrival statement.
 
Sabi ni Bolante, pinagbintangan daw siya ng walang basehan sa loob ng ilang taon. Pinili raw niyang manahimik, pero lalo lumala ang mga bintang sa kanya.
 
Sa kanyang pagbabalik, tiniyak ni Bolante na sasagutin niya ang lahat ng bintang sa kanya sa tamang lugar.
 
 
Bolante nakabalik na ng ‘Pinas
 
Matapos ang mahigit dalawang taon niyang pagkakabilanggo sa Kenosha County Jail sa Wisconsin, nakabalik na sa bansa si dating agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante.
 
Eksaktong 10:38 ng gabi lumapag ang Northwest Airlines flight 71 sa runway 0624, sakay sina Bolante at ang mga nag-eskort sa kanyang taga-US immigration.
 
Lumabas si Bolante sa Gate 10 ng NAIA-1 na naka-wheel chair. Mas payat at marami na ring puting buhok.
 
Isinakay si Bolante sa isang ambulansya at diniretso sa St. Luke's Medical Center.
 
 
Mga magsasaka sumugod sa NAIA
 
Sumugod sa NAIA Terminal 1 ang mga magsasakang dapat ay makinabang sa fertilizer fund para salubungin ng protesta si dating agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante.
 
Pasado alas otso pa lang ng gabi nang magdatingan ang iba't ibang grupo dito sa Greeters Area ng NAIA para sa isang “welcome protest” para kay Bolante. 
 
Halohalo na ang grupo, may galing sa hanay ng mga militante gaya ng Bayan at KMP, sa civil society gaya ng Concerned Citizens Movement at Black and White Movement.
 
Sigaw nila: Jocjoc Bolante arestuhin pagbayarin! Iisa lang ang gustong mangyari ng grupo, iba-iba man ang kanilang leanings o inclinations, magsalita na at magsabi si Bolante ng katotohanan tungkol sa issue ng fertilizer fund scam para mapanagot na ang lahat ng dapat managot. 
 
 
Limang obispo nanguna sa panawagang bagong gobyerno  
 
Nanguna ang limang obispo, kabilang si CPCP president Angel Lagdameo, na nananawagan ng bagong gobyerno.
 
Isinisi nila sa gobyerno ang katiwalian at kahirapan sa bansa kaya ang panawagan nila: palitan na si Pangulong Arroyo.
 
Pianyuhan din ni Lagdameo si Bolante na binansagang arkitekto ng fertilizer fund scam na magsalita na tungkol sa kanyang nalalaman.
 
 
Parol na gawa ng preso patok ngayong Pasko
 
Amoy Pasko na hanggang sa Tacloban City Jail dahil puno na ng mga native na parol ang labas ng mga selda. Lahat ng mga ito gawa mismo ng mga preso.
 
Toka-toka ang binansagang "Batang Samar-Leyte" sa paggawa ng parol. May tagakabit ng patpat, may tagabalot at meron ding taga-display
 
Sa Negros Occidental Provincial Jail naman, bida si Joan Jalandoni, na batikan sa paggawa ng parol. Pagsapit pa lang ng "ber" months abala na siya at ang iba pang kakosa.
 
Ibinibenta naman ito ng kanilang mga kamag-anak sa labas ng provincial jail. 
 
 
Panoorin ang kabuuan ng Bandila sa TFCnow