Bandila, Huwebes, Oktubre 30, 2008
Bandila, Huwebes, Oktubre 30, 2008
10/31/2008 1:04 AM
Mga bus fully-booked na pero kaunti pa rin daw ang bumibiyahe
Dalawang araw bago mag-Undas, dagsa na ang mga sumasakay ng bus pauwi ng probinsiya! Katunayan: may mga hindi na nakasakay dahil ubos na ang tiket.
 
Unang linggo palang daw kasi ng Oktubre dinagsa na sila ng mga nagpapareserba. Pero sabi ni Bobby, ng Isarog Lines, napansin nilang kahit fully booked na sila mas marami pa rin ang bumiyahe noong isang taon. Paalala ng MMDA sa mga bibiyahe: umiwas sumakay sa mga colorum.
 
Kung traffic naman ang pag-uusapan Biyernes palang daw ng tanghali, inaasahan nang magsisikip ang mga dadaanan pauwi ng probinsiya. Kitang kita sa bagong monitoring center ng MMDA ang magiging lagay ng trapiko sa Kamaynilaan lalo na sa mga lansangan malapit sa mga sementeryo.
 
Pero ang hindi nito nakikita ay ang mga bahay na maiiwan na walang tao ngayong Undas. At kung nasiguro na ang pagsasara sa bahay, siguraduhin naman daw ang kondisyon ng sasakyan, lalo na ang mga sasabak sa malayuang biyahe.
 
 
SLEX di pa gaanong dinadagsa ng mga sasakyan
Hindi pa dumarating ang inaasahang pagbuhos ng mga motorista sa South Luzon Expressway kasabay ng pagdiriwang ng Undas.
 
Normal pa ang daloy ng trapiko. Wala pa masyadong pagsisikip maliban nalang sa pagbagal ng daloy ng trapiko lalo na pagdating sa Alabang Viaduct. Pansamatalang itinigil ang construction ng Viaduct dahil naiwan na ang construction equipment. 
 
Bukas pa ng hapon hangang Sabado ng umaga inaasahang dadagsda ang mga motorista at magsisikip ang daloy ng trapiko sa SLEX, kaya pinapayuhan ang mga motorista na bumiyahe ng mas maaga para maiwasan ito.
 
Kung kailangan ng traffic update assistance habang nasa SLEX ay maari po tawagan ang mga numerong 315058- 09209140609- 5808911.
 
 
Mga pasahero sa eroplano at barko sa Biyernes pa inaasahang dadagsa
Madalang naman ang pasahero sa airport at pier sa Maynila. Kaya ang ilang kumpanya ng barko, hindi na magdadagdag ng biyahe. Katwiran ng ilan, hindi naman long weekend kaya bakit pa sila gagastos sa pagbiyahe nang malayo?
 
Sa airport, dahil hindi nga holiday ang Biyernes at Lunes, bukas pa ng gabi inaasahang dadagsa ang mga pasahero. Sampung libo ang tinatayang madadagdag na pasahero ngayong Undas kumpara noong isang taon. Mas maluwag na rin sa mga terminal ngayon dahil sa bagong NAIA Terminal 3.
 
Hinigpitan ang seguridad sa mga airport at pier. Kaya ang payo sa mga bibiyahe: dumating tatlo hangang apat na oras bago ang nakatakdang biyahe para hindi maiwanan at dalhin lang ang kailangang bagahe.
 
 
Batangas Port magdamag bukas para sa mga pasahero
Sa Batangas Port naman tuluy-tuloy ang dating ng mga pasaherong pauwi ngayong Undas. Round the clock ang operasyon sa Batangas Port dahil walang hinto ang pagdating ng mga byaherong pauwi sa Mindoro.
 
Kada 30 minuto may umaalis na Ro/Ro patungong Mindoro, sakay ang mga pasaherong magu-undas sa kani-kanilang probinsya. Karamihan ng mga bumibyahe ngayon, umiiwas nang makipagsiksikan pa sa ibang byahero bukas.
 
Mahigpit ang seguridad sa Batangas Port - may scanner na dinadaanan ang mga bagahe at may mga K-9 unit na inaamoy ang mga kargamento. Napuno ang terminal bandang hapon dahil hindi lang papuntang Mindoro, kundi may papuntang Romblon din na mga Ro-Ro.
 
Sa tala ng Philippine Ports Authority, mahigit 16,000 pasahero na ang dumadaan sa pier simula pa kahapon.
 
 
Pagmimina ng magnetite sa Catanduanes ipinatigil na ng Mines and Geosciences Bureau
Ipinakita natin kagabi ang reklamo ni Jennifer Peralta kung paano nauwi sa pagmimina ng magnetite ang dapat sana'y pagtatayo lamang ng fishport sa mga bayan ng Bagamanoc at Panganiban sa Catanduanes. Inalam ng Bayan Mo, Ipatrol Mo.kung paano ito nangyari.
 
Idinulog ng Bandila sa Mines and Geosciences Bureau o MGB ang sumbong ng mga taga-Bagamanoc. Matapos nilang makita at pag-aralan ang mga ebidensya ipinatitigil na ang pagmimina ng Shun Fong Transport Incorporated sa Bagamanoc. Ayon pa sa MGB, walang permiso ang ginawang pagmimina.
 
 
Bibilhin na ng Petron ang langis na nakuha mula sa Galoc Oil Field sa Palawan! Pero, hindi raw ito nangangahulugang bababa na ang presyo sa mga gasolinahan.
 
Sa ikalawang linggo ng Nobyembre na darating sa refinery ng Petron sa Bataan ang Palawan Light Crude. Di pa nagkakasundo sa presyuhan pero sigurado ang Petron na mas mahal ito sa presyo ng Dubai crude dahil mas mataas na klase ng langis ang Galoc oil.
 
Aminado ang mga eksperto na hindi naman nito mapapababa ang presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan dahil "international price" pa rin ang masusunod sa pagbebenta ng Galoc oil sa Petron.
 
 
Mga bulaklak sa Dangwa nagsitaasan na ang presyo
Dalawang araw bago sumapit ang Indas siksikan na ang daan-daang mamimili sa Dangwa sa Maynila para makabili ng murang bulaklak na iaalay sa mga namayapa nilang mahal sa buhay.
 
Pero dahil malapit na ang Undas at mataas ang demand, lalong nagmahal ang presyo ng mga bulaklak. Kaya naman reklamo ng ilang mamimili: mahal daw masyado ang presyo ng bulaklak ngayon.
 
Ayon naman sa mga may-ari ng tindahan dito, kailangan daw nilang magtaas ng presyo dahil nagmahal din daw ang mga presyo sa kanilang mga suppliers.
 
Sa kabila nito tuloy pa rin ang dagsa ng mga mamimili. Na nagdulot naman ng matinding traffic lalo na sa intersection sa Laonlaan. Traffic na din sa Lacson at Maria Clara. Kaya payo sa mga motorista na hindi naman bibili ng bulaklak iwasan munang dumaan sa Dangwa.
 
 
Simula ng pagbisita ng mga tao sa sementeryo magandang senyales sa mga tagapag-alaga ng nitso
Dumagsa na sa North Cemetery ang mga ayaw makipagsiksikgan sa mismong araw ng undas. Magandang palatandaan naman ang mga maagang dumalaw para sa tagapag-alaga ng mga nitso.  
 
Nasa 150 na nitso ang inaalagaan ni Mang Leonardo sa North Cemetery. P50 kada buwan o P600 sa isang taon ang bayad. Kapag nakolektang lahat, munting kayamanan na dahil aabot ito ng P90,000.
 
Abot-abot naman ang bilin ng administrator ng North Cemetery na huwag magdala ng alak, kutsilyo at iba pang matalim na bagay, baraha, stereo o karaoke sa mga puntod para maiwasan ang gulo at masigurong taimtim ang pag-alala sa mga yumao.
 
 
Susubukan na ng Department of Labor ng Pilipinas at ang Labor Ministry ng UAE ang kanilang proyekto kontra-abuso sa mga OFW.
 
Tutukan ang mga OFW mula pag-alis ng Pilipinas hanggang sa kanilang pinpasukan. Umaasa ang DOLE na makakatulong ito para mabawasan ang pang-aabuso sa mga Pinoy.
 
 

Panoorin ang kabuuan ng Bandila sa TFCnow