Bandila, Biyernes, Oktubre 31, 2008
Bandila, Biyernes, Oktubre 31, 2008
11/01/2008 12:59 AM

Bentahan ng bulaklak mabilis pa rin kahit mahal
Nagkakaubusan na ng bulaklak sa Dangwa ngayong bisperas ng undas. Ito ay sa kabila ng pagtaas pa ng mga presyo nitong Biyernes kumpara noong Huwebes.

Bisperas ngayon ng undas kaya't gaya ng inaasahan, mas dumami pa ang mga taong bumibili ng bulaklak para sa mga yumao nilang mahal sa buhay. Pero kasabay ng pagdami ng mamimili mas nagmahal naman ang presyo ng mga bulaklak!

Ang pinakamabentang Malaysian mums na P100-P130 kada dosena kahapon, mabibili na ngayon sa P120-P150. Ang gerbera P300 kahapon, P350 ngayon. Ang roses na mula P150-P160 kada dosena, P180 na ngayon.

Bukas, kanya-kanya na ang diskarte ng mga tindera. May ilang magtataas-presyo pa rin habang ang iba magbabagsak-presyo na para mabenta ang lahat ng paninda.

Erap, dinalaw ang puntod ni FPJ
Dinalaw ni dating pangulong Joseph Estrada sa puntod sa North Cemetery ang kaibigan nyang si Fernando Poe Jr.

Bandang 10:30 pm nang dumating si Erap at kasama niya ang anak ni FPJ na si Mary Grace Poe.

Maraming fans ang nandun din at nakisabay sa pagbibigay pugay kay Da King ngayong undas.

Hindi napigilan ni Erap na malungkot habang inaalala ang kaibigan lalo ang pagkakatalo nito noon sa 2004 presidential elections na sa paniwala niya ay dinaya.

Mga gimik sa Halloween uso na rin sa mga probinsya
Time out muna sa labanan ang mga sundalo ng Western Mindanao Command sa Zamboanga para magsaya sa isang halloween party kasama ang kanilang pamilya. Nagtagisan ang mga sundalo suot ang mga nakakatakot na costume. Ito daw ang kanilang paraan para maka--bonding ang kanilang pamilya bago sumapit ang undas.

Sa Baguio City naman, binisita ng mga spirit questors ang ilang lugar doon na pinaniniwalang haunted. Pinuntahan ng mga questors ang Diplomat Hotel, Teachers Camp at ang abandonadong sementeryo sa Loakan Road. Kinumpirma ng mga questors na marami ngang hindi matahimik na kaluluwa doon.

Patok naman sa mga kabataan ang horror museum sa Bacolod. Bukod sa pananakot layon din ng horror museum na turuan ang mga bata sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga folklore.

Dinagsa naman ang selbrasyon Tigkaralag Festival sa bayan ng Pavia sa Iloilo. Ito ang bersyon nila ng Halloween party. Marami ang rumampa at nagsayaw suot ang nakakatakot na costume, may nakabihis ng white lady,merong aswang at meron ding nag-ala kalansay. Layunin nito na maalala ng mga tao ang kanilang kapamilyang yumao.