Bandila, Lunes, Nobyembre 4, 2008
Bandila, Lunes, Nobyembre 4, 2008
11/04/2008 1:35 AM

Inflation rate inaasahang bababa

Dahil sa walang humpay na bawas-presyo sa langis, kampante na rin ang Bangko Sentral na bababa na ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin kahit papalapit na ang holiday season.

Pero ngayon pa lang nagtaasan na ang ilang pang-Noche Buena.

Sa Kamuning market, pataas na ang presyo ng isda at mga seafood tulad ng hipon. Ang mga gulay na pang-sahog sa Noche-Buena, nagtaas na rin. Ganun din ang mantika, asukal at itlog.


Jocjoc puwedeng masakop ng executive privilege

Pwedeng masakop ng executive privilege si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante para hindi na makapagsalita sa Senado sa fertilizer fund scam.

Ani Justice Secretary Raul Gonzalez, kapag idineklara ng pangulo na pribado ang naging usapan nila tungkol sa fertilizer fund, hindi na mapupuwersang magsalita si Bolante.

Ayon kay Gonzales, nakatakda sa batas na pati ordinaryong empleyado, hindi pwedeng magsalita basta sakop ito ng tinatawag na executive privelege ng pangulo.

Refund ng Meralco inuuna ang mababa ang konsumo

Aabutin pa ng hanggang 2010 ang unang bahagi ng refund ng Meralco sa deposito sa metro ng mga consumer nito.

Uunahin muna ang maraming consumers na gumagamit ng hanggang 100 kilowatthours kada buwan.

Nakalagay sa bill kung kailan puwedeng pumunta sa Meralco. Dalhin ang orihinal na resibo nang magpalagay ng electric meter at valid ID na may litrato.

Kung nawala na ang orihinal na resibo kumuha ng declaration at affidavit of loss sa Meralco at saka ipa-notaryo.

Lahat ng bus drivers pinagseseminar ng LTFRB

Sa Martes mauunang mag-seminar ang mga driver ng Joanna Jesh at Fermina-Express.

Para sa LTFRB, solusyon ito para maiwasan na ang mga aksidenteng kinasangkutan ng dalawang kumpanyang ito ng bus, ang aksidente sa EDSA dalawang linggo na ang nakakaraan na ikinamatay ng isang doctor at ang nangyari sa NLEX nitong Undas, kung saan anim ang namatay.

Pero maliban sa seminar tungkol sa disiplina sa pagmamaneho, panahon na rin daw sabi ng LTFRB na pag-isipan ng mga bus company na gawing suwelduhan ang mga driver sa halip na komisyon.

Shell Select sa NLEX inatake ng mga holdaper

Hindi man naging madugo ang nangyaring panloloob sa Shell Select sa Balagtas, Bulacan lumikha naman ito ng ibayong takot sa mga taong kumakain at bumibili rito.

Alas-tres diyes ng hapon noong Lunes nang pasukin ng may pito hanggang sampung armadong lalaki ang Shell Select sa NLEX.

Target nila ang armored van ito na dala ang mga koleksyon ng mga establisimyento rito. Pero pumalag ang mga security escort ng armored van at nakipagbarilan sa mga armored van robbers kaya't hindi nakuha ang pera.

Euro generals isinauli na ang mga cash advance

Isinauli na ng anim na opisyal ng PNP na bumiyahe sa Russia ang kanilang mga cash advance.

Ibinalik nang buo nina Ret. Comptroller Eliseo dela Paz, at Directors Emmanuel Carpa, Jaime Caringal at Romeo Ricardo ang kanilang cash advance.

Nagsauli naman ng P150,000 si Superintendent Elmer Pelobello at P74,000 si Deputy Chief for Operations Ismael Rafanan. Nangako ang dalawang ibabalik ang kulang sa loob ng isang buwan.

Panoorin ang kabuuan ng Bandila sa TFCnow