Bilang ng biktima sa paglubog ng bangka sa Masbate tumaas pa
Hindi na nakalayo sa pampang ang lumubog na pampasaherong bangka na may lulang 119 na pasahero sa Masbate kaninang hapon. Pitumpu't-anim na ang naililigtas pero nadagdagan din ang nakumpirmang namamatay.
Apatnapu na ang narerekober na bangkay habang 76 naman ang nakabalik ng buhay, samantalang apat pa ang nawawala sa mga pasahero ng M/B Don Dexter.
May 30 minuto pa lang umanong nakakapaglayag ang barko mula Dimasalang, Masbate nang maganap ang sakuna. Sampu sa mga bangkay ang nabawi sa Macaraguit Island. Tuloy ang search and rescue operations para sa mga biktima pero sisimulan na rin ang imbetsigasyon sa insidente.
Hawak na ng Coast Guard ang kapitan ng barko na pag-aari ng isang nangngangalang Eduard Yap. Bubuo rin ang Coast Guard ng special marine inquiry sa Bicol para silipin kung nasa ayos ang papeles ng barko at kung overloaded ito.
Aalamin rin kung bakit nakaalis ang barko ng walang paalam sa Coast Guard, na 30 kilometro lang ang layo mula sa pier. Ayon sa Coast Guard sa Maynila, posibleng naagapan ang akidente kung nagpaalam ang barko.
Christmas bonus ng mga kawani ng pamahalaan inilabas na
Naglabas na ang Department of Budget and Management ng P11.6 billion para sa year-end bonus ng mga government employee.
Bukod sa year-end bonus na katumbas ng isang buwang sweldo, makakatanggap din ang bawat empleyado ng cash gift na P5,000.
Ayon sa DBM, mas malaki ang bonus ngayong taon. Sinisiguro rin nilang hindi maaatraso ang pagbibigay ng bonus sa mga empleyado.
Imbestigasyon sa “Euro generals” nasa Ombudsman na
Ipinasa na ng PNP sa Ombudsman ang imbestigasyon sa cash advance ng mga PNP generals na bumiyahe sa Russia.
Isinumite ng PNP sa Ombudsman ang mga resibo, dokumento, at resulta ng kanilang imbestigasyon sa pagbiyahe ng mga PNP director.
Ayon sa Ombudsman, ikukumpara ito sa mga nakalap na nilang ebidensya.
Iimbestigahan din ng Ombudsman kung may pananagutan ang mga misis ng mga PNP official na sumama sa biyahe, kasama ang misis ni retired PNP director Eliseo dela Paz na naharang sa Moscow dahil sa bitbit niyang halos P7 milyong cash.
Procurement ng mga proyekto panukalang iprisinta sa mga obispo
Limang obispong Katoliko ang nanawagan noong isang linggo ng pagbabago sa pamahalaan dahil sa katiwalian. Kaya kanina, nagpadala ng sugo ang Malacañang kay CBCP President Angel Lagdameo para makipagtulungan sa pagsugpo ng katiwalian.
Nakipagpulong si Budget Secretary Rolando Andaya kay Lagdameo para alamin kung paano matutugunan ang panawagan ng simbahan na puksain ang katiwalian. Mungkahi ni Andaya closed door meeting kanina, ipakita sa mga obispo ang budget ng mga ipapatupad na proyekto ng gobyerno sa nasasakupan ng mga obispo.
Pero sabi ng mga negosyante at corruption watchdog huli na kung sa implementasyon ng proyekto magmamatyag ang mga obispo. Sa pagba-budget at bidding pa lang daw kasi niluluto ang mga patong. Pag-aaralan muna ni Lagdameo ang panukala ng Malacañang bago iparating sa mga kapwa obispo.
Pambubugbog sa Pinay OFW nakuhanan ng video
Kuhang-kuha sa video ang pananakit sa Pinay OFW ng kanyang amo na hinihinalang utak din ng sindikato ng prostitusyon. Gusto rin kasi silang ipasok sa prostitusyon ng kanilang amo na nakilalang si Alfred Lim. Pagdating dito sa Pilipinas agad silang nagsumbong sa Blas Ople Foundation.
Nagpadala naman agad ng isang team sa Malaysia si DOJ Undersecretary Ricardo Blancaflor, na siyang may hawak ng Inter-agency Council Against Trafficking para magsampa ng kaso.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mismong ang mataas na opisyal ng DOJ ay nagtungo sa ibang bansa upang magsampa ng kaso laban sa isang employer na nang-abuso sa isang OFW, at kaugnay nito kinausap agad ng DOJ ang pinaka-mataas na opisyal ng pulisya ng Malaysia.
Ekonomiya pangunahing isyu ng mga Fil-Ams sa US elections
Handa na ang mga Fil-Am na bumoto sa US presidential elections! May halos 2,000 Pinoy sa Cleveland, Ohio at kalapit na lugar. Alam nila ang mahalagang papel ng kanilang lungsod at ng buong Ohio sa eleksyong ito.
Dahil sa krisis-ekonomiya matindi ang labanan ngayon para sa Ohio. Ramdam na ng mga Pinoy dito ang epekto ng krisis: medyo bumaba ang benta, bumagal ang negosyo.
Maraming Pilipino sa Cleveland area ang nakakaramdam na ng epekto ng krisis-ekonomiya. At tulad ng maraming botante, pangunahin nila itong isyu sa pagpili ng susunod na pangulo.
Bentahan ng makukulay na mga parol patok!
Pagsapit ng dilim, nag-umpisa na ang palabas ng mga tala sa Gilmore Ave., Quezon City. Mga makukulay na parol na nakahilera sa magkabilang gilid ng kalye na gawa pa sa Roxas City, Zambales at Bicol.
Sa bawat dumadaan, hindi pwedeng hindi makaagaw ng atensyon at mapabili. Mula singkwenta pesos hanggang pitong libo ang presyo ng kumukutikutitap na mga parol dito, depende sa laki at
Hindi lang ang parol ang meron dito: pati ang mga flexy light patok din. May Santa Claus at mga reindeer, angels, star at maging kotse.
Sabi ng mga nagtitinda, nakakapagtaka raw na sa kabila ng krisis mas mabenta pa ang mga parol at flexy light nila ngayong taon kumpara noon dahil pati mga kumpanya, namamakyaw pa.
Video blog ng Pinoy nakaw-eksena sa CNN i-Report
Isang Pinoy ang umeksena sa US presidential elections coverage sa Amerika. Ipinalabas ng CNN i-Report ang isang video blog na gawa ng isang Kapamilya at kabarkada.
Gumawa ng isang video blog ni George Putong, na sumusuporta sa kandidatura ni Barack Obama. Promo producer ng Studio 23 at freelance writer si George na aktibong video blogger.
Noong Linggo, ipinadala niya ang video blog na ito sa Cnn i-Report at hindi niya akalaing kagabi ay ipalalabas ng CNN.
Sa video clip, halos hindi nagsasalita si George. Puro index card lang ang pinapakita niya sa camera na nagpapaliwanag kung bakit mas gusto niya si Obama kesa kay John McCain habang maririnig sa background ang speech ni Obama.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM







