Amerika nagdiwang sa panalo ni Barack Obama bilang ika-44 na pangulo nila
Sa iba't-ibang lungsod patuloy ang mga selebrasyon sa makasaysayang panalo ni Barack Obama, na ngayon ay simbolo ng katuparan ng mga pangarap na mailap sa mga miyembro ng minoridad sa America.
Mahigit 100,000 tao ang nagsiksikan sa Grant Park, Chicago, Illinois para saksihan ang makasaysayang pagtatapos ng halalan kagabi.
Nakaungos agad sa bilangan ng boto si Obama. Napanalunan pa ang mga kritikal na states tulad ng Pennsylvania, Ohio, Virginia, Florida. Landslide ang panalo ni Obama - 338 electoral votes, samantalang 159 lang ang kay McCain.
Walang katulad ang pagsasaya ng kanyang mga tagasuporta. Sa kanyang pagharap sa mga tagasuporta kanina, sinabi ni Obama na ang kanilang tagumpay ay patunay na walang imposible sa America. Gayunman, inamin niyang maraming hamon ang haharapin ng kanyang administrasyon.
Mga Democrats sa Pilipinas nagdiriwang din sa pagkapanalo ni Obama
Hanggang dito sa Pilipinas, nagdiriwang ang mga tagasuporta ng bagong halal na presidente na Amerika na si Barack Obama.
Kahit maghahating-gabi na ay tuloy pa rin ang pagratsada ng victory party ni US president-elect Barack Obama sa Greenbelt, Makati. Inihanda ito mismo ng kanyang mga tagasuporta na narito ngayon sa Pilipinas.
Ito na ang pangatlo at pinakahuling selebrasyon ngayong araw, kaya naman ang mga hindi nakadalo kaninang umaga at hapon ngayon nagsidatingan para makisaya.
Karamihan sa mga dumalo ay pawang miyembro ng American community na narito ngayon sa bansa. Maraming Filipino Americans din ang nagdiwang sa pagkapanalo ni Obama.
Isa na namang bus company nanganganib masuspinde ang prangkisa
Namemeligrong matanggalan ng prangkisa ang Nicholas Albert bus na naaksidente sa Edsa-Cubao kagabi. Labinlimang pasahero ang nasugatan nang sumalpok ang bus sa concrete barrier ng MRT. Iniimbestigahan ng LTFRB ang aksidente.
Inuusig din ang bus kung bakit tiket ng Joanna Jesh ang ipinamigay sa mga pasahero. Dahilan ng Nicholas Albert: naubusan lang sila ng ticket at may tatak ng Joanna Jesh ang ibinigay ng imprenta.
Nauna nang sinuspinde ang prangkisa ng Joanna Jesh at Fermina bus matapos masangkot sa magkahiwalay na aksidente.
Senate medical team binista si Jocjoc
Binisita ng Senate medical team si dating agriculture undersecretary Jocjoc Bolante sa Saint Luke’s Medical Center.
Ayon kay Dr. Mariano Blancia, na-kontrol na ang pagtaas ng presyon ni Bolante. Negatibo rin ang resulta ng MRI at MRA. Isasailim sa panibagong pagsusuri si Bolante bukas. Hindi nagbigay ng rekomendasyon si Dr. Blancia kung palalabasin na ng ospital si Bolante.
Nagtakda ng Senate hearing sa susunod na linggo para sa panibagong imbestigasyon ng fertilizer fund scam. Si Bolante ang itinuturong arkitekto nito.
Misis ni PNP chief Verzosa, Dir. Caringal pinababalik ng Russia
Pinababalik sa Russia ang asawa ng PNP chief na si Cynthia Verzosa at si Director Jaime Caringal na nagretiro na kanina.
Base sa sulat na ipinadala ng Russian customs sa Philippine embassy, kailangan nilang humarap sa imbestigasyon sa November 13 para alamin kung may kinalaman sila sa 105,000 euros o halos P7 milyon na nasabat kay retired PNP comptroller Eliseo dela Paz sa airport sa Russia.
Mga minaltratong OFW sa Malaysia biktima rin ng human smuggling
Walang working permit ang dalawang Pinay na minaltrato ng naging amo sa Malaysia! At ang naglusot sa kanila sa airport-- mga immigration officer!
Nakapunta ang mga biktimang sina Mary at Vicky sa Malaysia kahit walang working permit. Dinaan daw sila nang recruiter nilang si Alfred Lim na isang Singaporean sa Diosdado Macapagal Airport sa Clark, Pampanga.
Bago pumasok ng airport, isang umano'y tauhan ng Bureau of Immigration ang sumalubong sa kanila. Pagdating sa Malaysia, mga taga-immigration naman doon ang sumalubong sa kanila.
Pinarating ito ng DOJ Task Force Against Trafficking sa Royal Malaysian Police. Doon ay sinabi mismo ng hepe ng pulisya na si Datu Naseri Musa na binbantayan nga nila ang among si Alfred Lim sa pagkakasangkot sa prostitusyon. Dinakip na rin si Lim.
Drug testing sa mga suspek ilegal ayon sa Korte Suprema
Labag sa Konstitusyon ang sapilitang drug testing sa mga suspek at kandidato. Ito ang naging desisyon ng Korte Suprema. Pero ayon sa PDEA, maaapektuhan nito ang kampanya kontra sa ilegal na droga.
Dineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang mandatory drug testing sa mga akusado sa krimen dahil panghihimasok daw ito sa privacy ng isang tao.
Pero ayon sa PDEA, tatlo sa bawat apat na krimen ay may kaugnayan sa ilegal na droga. Kaya paano na raw nila ngayon matutukoy kung sino ang mga gumagamit ng droga kung bawal na ang drug test sa mga suspek?
Balak ng PDEA na iapela ang desisyon ng Korte Suprema.
Mga nakaaaliw na laruang pang-aguinaldo, patok
Anumang hirap ng buhay, idinadaos ang pang-aguinaldo. At sa mga namimili na, naglalabasan na ang mga naiibang laruan.
Pinipilahan na ang anime toy na "Bakugan"--- dalawang maliliit na bola na kapag hinagis at lumapag sa mga magnetic cards magiging anime characters.
Kinababaliwan din ng mga bata ang stuffed toy na si Elmo na ngayon, marunong nang makipag-usap at makipagkaibigan, at ang 21st century version ng Rubik's Cube, ang Rubik's Magic.
Sa dami ng pagpipiliang panregalo dapat maging maingat din. Nagiging popular na rin ngayon ang mga tinatawag na "developmental toys" na habang nilalaro ng mga bata ay nahuhubog din ang kanilang kaisipan at personalidad.
Medyo may kamahalan ang mga "developmental toys" tulad ng "See and Spell Set". Pero matututo naman daw ang mga bata habang ini-enjoy sa paglalaro.
02/15/2012 2:01 AM
02/15/2012 1:59 AM
02/15/2012 1:55 AM
02/15/2012 1:53 AM







