Presyo ng baboy, baka at manok tatataas sa Kapaskuhan
Sampung porsiyento ang itataas ng presyo ng baboy, baka at manok ngayong magpa-Pasko. Ito ang inihayag ng mga suppliers!
Kaya kung nasa P120 kada kilo ang manok ngayon, aabot ito ng P132 per kilo; ang baboy na P150, tataas sa P165, at baka na ngayo’y nasa P230, aakyat sa P253 kada kilo.
Nakatakda namang maglabas ng listahan ng price ceiling o pinakamataas na presyo ang DTI. Ipapaskil ito sa mga palengke. Kung masusunod ito, 'yon ay panibagong kuwento na.
Mga Pinoy nagsimula nang mag-Christmas shopping
May krisis o wala, maraming Pinoy ang hindi paaawat sa pagsa-shopping lalo ngayong magpa-Pasko. Marami ang naeenganyo ng kaliwa't kanang baratilyo.
Pero may sale man o wala, base sa pag-aaral ng Nielsen, gagastos at gagastos pa rin ang mga Pinoy ngayong Magpapasko may krisis o wala.
Nangunguna kasi ang mga Pinoy sa apat na bansa sa Asia Pacific na buo ang kumpiyansang may pambili ng mga pangangailangan.
Ayon pa sa Nielsen, una sa shopping list ng mga Pinoy ang damit at kasunod ang cellphone. Gumagasta rin daw tayo para sa bakasyon at pagbili ng mga palamuti sa bahay lalo ngayong Magpapasko.
Bolante pinahaharap na sa Senado
Paharapin na agad sa imbestigasyon ng Senado sa fetilizer fund scam si dating agriculture undersecretary Jocjoc Bolante! Ito ang gustong mangyari ni Senador Aquilino Pimentel.
Tingin kasi ni Pimentel, nagsasakit-sakitan lang si Bolante dahil wala namang seryosong sakit na nakita ang duktor ng senado nang bisitahin si Bolante sa Saint Luke’s Medical Center.
Mga gustong magpari dadaan na sa psychological screening
Sa pinakahuling utos mula sa Vatican dadaan sa psychological test ang mga seminarista para malaman kung kaya nitong maging celibate o magtimpi sa sex, o kung may senyales ito ng pagiging bakla.
Pero nilinaw ng Vatican na boluntaryo ang screening. Sa paliwanag ng CBCP gusto lang ng simbahang matukoy ang mga dahilan na nagtutulak sa isang pari na mang-abuso para maitama o magamot ang mga ito, at para malaman din kung dapat pa ba siyang patuluyin sa pagpapari o hindi.
Delikado naman ito ayon kay Dr. Sylvia Claudio, isang psychologist at human rights advocate. Bukod sa pwedeng pumalya ang mga test, hindi umano dapat itinuturing na sakit sa pag-iisip ang pagiging bakla.
Sabi pa ni Claudio, sa mga sex cases dito sa Pilipinas mga babae sa wastong gulang ang inabuso ng mga pari at hindi mga batang lalake.
Mga Pinoy sa Amerika makikinabang sa mga reporma ni Obama
Kasama sa mga ipinangako ni US president-elect Barack Obama ang mga reporma para sa mga immigrants. At ayon sa immigration lawyer na si Atty. Ira Azulay, kasama ang mga Pinoy sa makikinabang dito.
Kasama sa programa ni Obama ang reporma sa immigration policies. Kabilang na ang mas magandang pagtrato sa mga immigrants.
Tingin pa ni Azulay, dahil mga Democrats ang may kontrol ngayon sa White House at Kongreso, madaling maisusulong ni Obama ang mga repormang ito.
2008 Myx Mo concert, dinumog ng mga Pinoy music fans
Di napigilan ng ulan ang libu-libo dumagsa sa Mall of Asia para maki-jamming sa 2008 MyxMo concert, kung saan sa isang pambihirang pagkakataon ay muling nagsamasama ang mga sikat na banda ng bansa.
Umambon man, di parin mabilang ang mga taong dumumog sa 2008 MyxMo concert sa SM Mall of Asia para makita ang kanilang mga paboritong banda! Sa sobrang dami ng tao, di na nagkasya sa loob ng venue ang mga tao!
Kanya-kanya namang eksena ng mga banda sa ikapitong Myx Mo concert, kung saan tumugtog ang pinakamalalaking pangalan sa industriya ng musika!
At siyempre pa sa gitna ng ingay at musika na hatid ng mga sikat na banda, nagpaunlak din kanta ang international singing sensation na si Charice, na siyang umawit ng Lupang Hinirang.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM







