Rollback sa gasolina at gaas ipinatupad
Ang malabo kagabi, natuloy ngayon! Nag-rollback sa gasolina at kerosene ang mga oil companies.
Nang mag-rollback kaninang 3 p.m. ang Flying V ng P1.00 sa bawat litro ng gasolina't gaas, nag-sunuran na ang ibang kumpanya. P2.00 pa nga ang irorollback ng Seaoil sa gasolina at piso sa gaas simula ngayong hatinggabi. Ang Big Three, tigpipiso din sa bawat litro ng gasolina't gaas ang ibabawas. Susunod bukas ng 6:00 ng umaga ang Total at Eastern Petroleum.
Pero ang inaasam na bigtime rollback sa LPG, wala pa! Kaya nag-init na naman ang ulo ni Energy Secretary Angelo Reyes kanina. Kulang pa daw ng mahigit P100 ang P4 kada kilo o P44 kada tangke na ini-rollback ngayong linggo dahil malaki na ang ibinagsak ng presyo sa world market.
Pero, katwiran ng oil companies at LPG players, paunti-unti ang ginawa nilang increase nung tumataas ang presyo kaya paunti-unti rin ang rollback. Hindi pa rin daw nuubos ang mga stock nilang nabili nung mataas pa ang presyo at humina pa ang piso.
Presyo ng pagkaing pang-Noche Buena tumataas
Kung bumababa ang presyo ng petrolyo, tumataas naman ang presyo ng mga pang-Noche Buena. Dahil dito maglalabas na ng suggested retail price ang Department of Trade and Industry.
Base sa suggested retail price list na isasapubliko ng DTI bukas, pinakamalaki ang itinaas sa presyo ng pasta gaya ng spaghetti at macaroni. Nagmahal na rin ang presyo ng ham, fruit cocktail, pati palaman sa tinapay.
Pero umalma ang mga supermarket owners. Mali daw ang timing dahil tataas pa ang presyo sa Disyembre. Sa Disyembre na lang daw sana naglabas ng suggested retail price ang DTI.
Pero katwiran ng ilan, minsan sa isang taon lang naman ang Pasko. Kaya kahit tumaas pa ang presyo ng mga pagkaing ito, bibili at bibili pa rin sila ng mga ito. Para sa kanila, ang mahalaga ay sagana at masaya ang Pasko.
Singil ng Meralco pansamantalang tataas ngayong Nobyembre
Tataas ang singil ng Meralco ngayong Nobyembre. Pansamantala lang naman ito dahil bababa din sa Disyembre hanggang Enero.
Tataas ng P0.30 kada kilowatt-hour ang "generation charge" sa sisingilin ng Meralco sa Nobyembre. Sa mga kumukunsumo ng 100 kilowatt-hours, ang katumbas nito: P24 na dagdag-singil. P33 sa kumokonsumo ng 101 kilowatt-hours, at P60 sa 200 kilowatt-hours ang gamit.
Paliwanag ng Meralco, tumaas ang presyo ng natural gas na ginagamit sa mga planta ng kuryente. At ang gusto nilang idiin: hindi sa kanila mapupunta ang dagdag-singil.
May good news din naman dahil sigurado nang bababa ang generation charge sa susunod na buwan hanggang Enero. Mura at nakabangkong panggatong na ang gagamitin ng mga planta.
Dela Paz inabswelto ng Russian customs
Inabswelto na ng Russian authorities sina retired PNP comptroller Eliseo dela Paz kaugnay ng nakumpiskang 105,000 euros. Ito ang ibinalita ng abogadong Ruso ni dela Paz sa kanyang abogado rito sa Pilipinas.
Inaayos na rin daw para maibalik sa PNP ang cash na halos P7 milyon. Bukod pa ito sa 45,000 euros o halos P3 milyong bitbit ni dela Paz na diumano’y pambili ng mamahaling relo ng para sa isang kaibigan.
Ito ang mga nakasaad sa e-mail ni Alex Binetskiy, ang abogado ni dela Paz sa Russia kay Atty. Noel Malaya na humaharap sa kaso ni dela Paz dito sa Pilipinas. Wala rin sa mga nasangkot sa isyu ang makakasuhan sa Russia.
Fil-Am panalo sa Ohio bilang US Congressman
Nanalo ang isang Fil-Am sa congressional race sa Ohio, USA! Base sa unofficial results mula sa website ng Ohio Secretary of State, tinalo ni Republican candidate Steve Austria ang nakalabang si Sharen Neuhardt sa 7th Congressional District ng naturang estado.
Sa Chicago, Illinois naman, natalo ang Pinay na si Atty. Aurora Austriaco taliwas sa unang naiulat. Lumamang muna si Austriaco ng may 20 porsyento sa paunang bilangan bago natalo ng may limang porsyento.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM







