Bandila, Lunes, Nobyembre 10, 2008
Bandila, Lunes, Nobyembre 10, 2008
11/11/2008 12:21 AM

Isa patay, 13 sugatan sa pagsabog sa PNPA

Isang miyembro ng Special Action Force ang patay at 13 pa ang nasugatan sa pagsabog sa firing range ng PNPA sa Silang, Cavite.

Sa ospital ng Adventist University of the Philippines sa Silang dinala ang mga estudyante at instructor ng SAF commando na nasugatan sa pagsabog noong Lunes ng gabi.

Nagte-training sila sa firing range nang mangyari ang pagsabog.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng SOCO Cavite, posibleng pumalya ang rifle grenade na ginagamit sa training o iyon mismong bala ang naging dahilan ng pagsabog.

UP community, balot ng takot dahil sa robbery-slay sa campus

Nabalot ng takot ang UP community dahil sa nangyaring holdapan at barilan sa Veterans Bank sa loob ng UP Diliman.

Natakot ang magkaibigang Kim at Darlene habang iniisip ang nangyari dahil malapit lang sa crime scene ang kanilang dormitoryo. Binalak pa naman nilang mag-withdraw sa bangko bago mangyari ang barilan. Marami pang estudyante ang natatakot na.

Nanawagan sila ngayon na mas higpitan ang seguridad sa UP. Ang problema: hindi sakop ng PNP ang campus.

Jocjoc pinayagang manatili sa St. Luke’s

Pinayagan ng Senadong manatili sa ospital si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante kapalit nang pangakong haharap sa imbestigasyon.

Sumulat si Bolante sa mga tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture at Blue Ribbon at nangangakong haharap siya sa pagdinig ng Senado sa fertilizer fund scam na mag-uumpisa sa Huwebes.

Nagdesisyon na rin ang Senado na pagbigyan ang hiling ng tinagurian nilang arkitekto ng fertilizer fund scam sa kabila ng “pagtakas” nito noong unang binusisi ang kontrobersya.

DOE may babala pag wala pang big-time rollback sa LPG

Dahil hindi pa nakuntento sa panibagong rollback na inanunsyo ng LPGMA, nagbabala na ang DOE.

Ayon kay DOE Secretary Angelo Reyes, isang bigtime rollback na mahigit P100 kada tangke ng LPG daw ang dapat i-rollback.

Katwiran naman ng LPGMA, hindi nila kaya ang hinihingi ng DOE.

Krudong Galoc naideliver na sa Petron

Na-i-deliver na sa Petron refinery sa Bataan ang mga krudong nakuha sa Galoc oil field sa Palawan. Sa presyo ng bentahan sa Dubai ibabase ang presyo nito.

Hindi naman sigurado kung bibilhin ulit ng Petron ang susunod na shipment ng Galoc oil.

Pag hindi ito kinuha ngPpetron, ibebenta ang krudong nakuha sa Palawan sa ibang bansa.