Bolante malabong makadalo sa fertilizer fund scam hearing sa Kamara
Gustong magpauna ng mga kamara sa pag-i-imbestiga kay dating agriculture undersecretary Jocelyn Bolante. Kung Huwebes pa ang imbestigasyon ng Senado, bukas na ang pagdinig sa fertilizer fund scam ng mababang kapulungan at ipinatatawag si Bolante. Ang tanong: papayagan ba siya ng Senado?
Walang natanggap na Inter-chamber Courtesy Request si Senate President Manny Villar mula sa Kongreso para dumalo si Bolante sa itinakdang hearing sa Kamara. Kinakailangan ito dahil nasa kustodiya pa rin ng Senado si Bolante, at ano mang lakad nito ay dapat ipaalam at may permiso ng Senado.
Ang natanggap naman na sulat ni Senator Villar mula kay Bolante ay pagbibigay-alam lang sa inbitasyon ng Kongreso at hindi isang paalam para pumunta sa hearing kaya ang kinalabasan, walang ginawang desisyon ang Senate President ngayong gabi.
Ang pinangangambahang senaryo, kapag nakapagsalita si Bolante sa mababang kapulungan, pwedeng palabasin na di sapat ang mga sagot, kayat dapat manatili pa ito ng matagal doon. At kung ganun ang mangyari, lalo nang hindi ito makakapagsalitsa sa Senado.
Senate arrest warrant kay Dela Paz inihain na
Hindi lang si Bolante ang nememeligro sa Senado-- ipinapaaresto na rin ng Senado si retired PNP comptroller Eliseo dela Paz para maiharap sa imbestigasyon sa perang nakumpiska sa kaniya sa airport sa Moscow.
Pumunta ang Senate sergeant-at-arm sa PNP headquarters sa Crame-- pero wala doon si dela Paz. Sabi ng abugado niyang si Atty. Noel Malaya, bumiyahe sa probinsya si dela Paz para dalawin ang mga kamag-anak.
Inirekomenda naman ng Napolcom na i-lifestyle check ang mga opisyal ng PNP na bumiyahe sa Russia. Para sa Napolcom, kahina-hinalang sa intelligence fund kumuha ng panggastos ang PNP generals na bumiyahe sa Russia dahil karaniwang kinukuha ito sa travel fund.
Pinatigil din ang paglalabas ng retirement benefits nina dela Paz at retired director Jaime Caringal. Handa naman si PNP Chief Jesus Verzosa na ma-lifestyle check siya at ang asawang si Cynthia na kasama sa Russia.
MBC: Krisis sa ekonomiya lalala sa 2009
Mas malalang krisis sa ekonomiya ang sasalubong sa mga Pinoy sa bagong taon. Ito ang nakikita ng mga negosyanteng miyembro ng Makati Business Club.
Sa pinakabagong survey ng MBC sa mga miyembro nito, lumabas na halos siyam sa bawat sampung miyembro naniniwalang magkakaroon ng recession sa bansa ngayong Enero 2009.
Ibig sabihin, maraming negosyo ang magigipit at magbabawas ng mga empleyado, hihina ang piso kontra dolyar, at mawawalan na rin ng kumpiyansa ang mga mamimili kaya tutumal ang kalakalan.
Hindi raw natin maiiwasan ang recession dahil parang lagnat ito na dapat nating maranasan bago tuluyang bumuti ulit ang kalagayan ng ekonomiya.
2009 national budget lusot na sa Kamara
Nakalusot na sa Kongreso ang 2009 National Budget.
Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang P1.415 trillion na budget.
Pinakamalaking bahagi nito ay gagamitin na pang-ayuda sa social services gaya ng edukasyon at kalusugan.
Kailangan muna itong aprubahan ng Senado bago ipasa sa Pangulo para ganap na maging batas.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM







