Gobyerno ng RP at US may usapan sa pag-uwi ni Jocjoc
Magiging maayos at tahimik daw sana ang pag-uwi ni dating agriculture undesecretary Jocjoc Bolante sa Pilipinas ayon sa kanyang abugado - 'yun ay kung wala raw nanggulo sa napagkasunduang plano ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika sa kanyang pag-uwi.
Ayon kay Atty. Ira Azulay, immigration lawyer ni Bolante sa Chicago, may usapan na ang gubyerno ng Pilipinas at Amerika ukol sa pag-uwi ni Bolante kung saan siniguro ang kanyang seguridad.
Ayon kay Azulay, kasama ang dalawang immigration officials mula America si Bolante dapat ang huling pasahero na bababa sa eroplano at saka siya itu-turn over sa mga kinauukulan dito pero hindi ito ang nangyari. Napasubo tuloy si Bolante sa isang magulo at delikadong sitwasyon.
Dahil sa isiniwalat ng abogado ni Jocjoc, sisikapin naman daw ng Senado na malaman kung nakiaalam nga ang Malacañang sa kaso ni Bolante. Itinanggi naman ng Malacañang na nakialam sila sa kaso ni Bolante sa Amerika.
Massacre ng pamilya ng DA employee, kaugnay sa anomalya sa pondo sa DA?
Dalawang buwan matapos ang pagmasaker sa pamilya ng dating empleyado ng Department of Agriculture, wala pa ring lead ang PNP sa kaso. Ang sinusundan nilang anggulo: love triangle! Pero ang mga ka-opisina ni Teofilo Mojica, kumbinsidong dahil ito sa anomalya sa pondo sa DA.
Ayon sa mga ka-opisina, noong 2007 pa may nagbabanta kay Teofilo o mas kilala sa palayaw na Feng. Nagbilin si Feng sa mga ka-opisina sakaling may masamang mangyari sa kanya. Nang distrongkahin ang filing cabinet, isang envelope at mga litrato lamang umano ang ibinigay sa mga pulis ng mga ka-opisina ni Feng.
Matapos ilibing ang mga na-masaker, kinuha ng mga pulis ang computer ni Feng sa Department of Agriculture pati na ang ilang dokumento. Kinunan ng isang empleyado ng cellphone video ang isang dokumento
Ngunit isang source sa DA ang nagbigay sa amin ng kopya ng mga dokumentong nakuha sa cabinet ni Feng. Tungkol ito sa umano'y anomalya ng pagkubra ng P168 milyo ng DA Region XII sa tulong ni Region XII finance officer Osmeña Montaner at accountant na si Estrella Sabay. Kapwa sila wanted bilang mastermind sa pagpatay sa peryodistang si Marlene Esperat na nagbulgar ng anomalya sa DA.
Independent marketers magro-rollbak ng P4/kg sa LPG
Susunod na rin ang LPG Marketers Association sa bigtime rollback ng malalaking kumpanya kagabi.
Nasa P44 kada tangke ang mababawas sa produkto ng LPGMA. Ayon sa LPGMA, P15 kada kilo ang dapat na rollback para sa buwan ng Nobyembre.
Sampung piso na ang naibababa ng LPGMA kasama na ang P4 ngayong Huwbes, kaya posibleng magrollback uli sila bago matapos ang Nobyembre.
PGMA at Obama, kapwa nasa Chicago pero di nagkita
Parehong nasa Chicago, USA sina Pangulong Arroyo at si US president-elect Barack Obama pero hindi sila nagkita.
Marami sa mga Pinoy sa Chicago alam ang pagdalaw ni Pangulong Arroyo. Pati na ang balita ukol sa kanyang pagnanais na mabati ng personal si president-elect Obama kinumpirma ng isang source ng ABS-CBN News bureau. Nasa Chicago pa rin si Obama, pero hindi sila nagkita ni Ginang Arroyo.
Mahigit 500 Fil-Am ang dumalo sa isang dinner reception para kay Pangulong Arroyo. Ang iba, bumiyahe pa mula Ohio. Dito muling idiniin ni Arroyo na malakas ang alyansa ng Pilipinas at Amerika.
At dahil suportado ni Obama ang Veterans Bill, nanawagan din ang Pangulo na patuloy na itulak ng komunidad ang panukala na magbibigay ng pension sa mga Pilipinong beterano ng World War II.
Mga pulis naka-enkwentro ng carnappers sa Bulacan
Tinutugis pa rin ng PNP ang dalawang miyembro ng carnapping gang na kasama sa naka-enkwentro at napatay ng mga pulis kanina. Kaninang alas kwatro ng hapon nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng pulisya at ng mga suspek sa Brgy. Biñan, Calumpit, Bulacan.
Nabaril ang isa sa mga suspek na nakilalang si Victor Guinto na taga Baliwag, Bulacan. Dead on arrival na si Guinto sa ospital. Nakatakas naman ang lider ng grupo at isa pang hindi nakikilalang suspek.
02/15/2012 2:01 AM
02/15/2012 1:59 AM
02/15/2012 1:55 AM
02/15/2012 1:53 AM






