Arthur Yap bumuwelta kay Jocjoc
Handang humarap sa Senado si Agriculture Secretary Arthur Yap kaugnay ng imbestigasyon sa fertilizer fund scam. Nayayamot kasi si Yap sa pagkaladkad sa pangalan niya sa Senate hearing kanina.
Galit si Yap sa mga pasaring ni Jocjoc Bolante. Sabi niya ang pagbili ng fertilizer ng NFA noong siya pa ang namamahala nito ay idinaan sa bidding. Katunayan, binigyan na nga siya ng pahintulot ng noo'y agriculture secretary Cito Lorenzo na huwag nang idaan sa bidding ang pagbili ng fertilizer dahil panahon na ng pagtanim, ngunit nagpa-bidding pa rin siya alinsunod sa batas.
Dapat din daw pangalanan ni Bolante ang tinutukoy niya dahil apat silang naging undersecretary for field operations noon.
Jocjoc ‘panalo sa unang round’ ayon kay Frank Chavez
Panalo sa first round si Jocjoc Bolante. Ito ang tingin ni dating solicitor general Frank Chavez na siyang nagsampa ng kaso kay Bolante sa Ombudsman. Pero, itinuro rin niya kung paano masusukol ang pinakahihintay na testigo ng Senado.
Sabi ni Chavez, kumbaga sa boksing, kahit pinaulanan ng mga senador ng suntok si Bolante, hindi siya napuruhan. Ibinigay nyang halimbawa ang listahan ng mga tatanggap sana ng fertilizer fund. Ang prosesong karaniwang inaabot ng linggo o buwan, natapos ni Jocjoc ng dalawang araw lang.
May ibinigay na apat na pangalan ng diumano’y mga broker ni Bolante si Chavez. Sabi niya kung hindi mapiga si Bolante, ang mga taong ito ang susi sa katotohanan ng fertilizer fund scam.
Jocjoc nakauwi na rin sa kanyang bahay
Matapos ang mahabang araw nang pagdinig sa Senado ukol sa kontrobersyal na fertilizer fund scam nakabalik na ang si Jocjoc Bolante sa kanyang bahay sa Ayala Alabang Village pero hindi naging madali ang kanyang biyahe pauwi.
Ayon sa hepe ng Sgt. At Arms na si Jose Baladia dito muna mananatili si Bolante pero nilinaw niya na hindi house arrest ang mangyayari. Gayunman nasa kustodiya pa rin daw si Bolante ng Senado.
Dagdag pa ni Baladia minimum ng dalawang guwardiya ang itatalaga para bantayan si Bolante
Dela Paz sisipot na sa Senado
Sisipot sa Senate hearing tungkol sa perang nasabat at nakumpiska sa airport sa Russia si retired PNP comptroller Eliseo dela Paz! Tiniyak ito ng kanyang abugado na si Atty. Noel Malaya.
Dagdag ni Malaya, handa din si dela Paz na magpa-lifestyle check. Balak din daw nilang hilingin sa Senado na huwag nang ipatawag ang asawa ni dela Paz.
Tiniyak naman ni PNP chief Jesus Verzosa na sisipot din ang iba pang mga PNP officials na ipapatawag ng Senado sa Sabado.
Massacre sa pamilya ng dating empleyado ng DA dapat lutasin na
Lutasin ang pagmasaker sa pamilya ng dating empleyado ng Department of Agriculture. Ito ang panawagan ng Couples for Christ at ng malalapit sa pamilya Mojica.
Ito'y sa kabila ng kawalan ng kasagutan kung sila'y biktima ng simpleng krimen o pinatahimik dahil sa anomalya sa DA.
Sa nakuhang dokumento sa cabinet ni Feng Mojica, binabanggit ang mga DA officials na diumano’y nasa likod ng pagkubra ng P168 milyon mula sa Region XII - sina Usec for Field Operations Jesus Paras at dating assistant secretary Jose Montes na nasa Senate hearing kanina.
Nabanggit din ang mga dating opisyal na wanted sa pagpatay sa dating DA employee at peryodistang si Marlene Esperat noong 2005. Kalakip din nito ang isang sulat ng dating empleyado ng DA na diumano'y naging biktima ng sexual harassment ng mga opisyal na ito.
Pina-a-audit na ng COA ang P180 million na pondong nakasaad sa white paper na nakuha sa cabinet ni Feng. Tikom ang bibig ng mga taga-DA! Hiling nila: huwag sanang malibing sa limot ang mga anomalyang maaaring ikinamatay ng isa nilang kasamahan.
Rollback ipapatupad muli
May rollback ulit sa petrolyo ngayong hatinggabi! Nauna nang mag-rollback ng piso kada litro sa diesel ang kumpanyang Jetti kaninang umaga.
Ang Seaoil P2.50 kada litro sa diesel, gasolina at gaas ang ini-rollback. Ngayong hatinggabi, magro-rollback ng P2.50 kada litro sa diesel, gasolina at gaas ang Flying V.
Ang Shell naman at Eastern Petroleum magbabawas ng piso kada litro sa diesel, gasolina at gaas. Magro-rollback naman ang Chevron ng piso kada litro sa diesel at P1.50 sa gasolina.
PGMA pinuri sa talumpati sa UN
Kung sa Pilipinas, madalas mabatikos si Pangulong Arroyo, pinuri naman siya sa United Nations General Assembly nang magtalumpati.
Kabilang si Pangulong Arroyo sa 17 world leaders na dumalo sa "Culture of Peace" na pagpupulong sa UN. Layon ng kumperensya na itulak ang interfaith dialogue para palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng ibat-ibang bansa at ibat-ibang relihiyon.
Inudyok ni Pangulong Arroyo ang UN General Assembly na isulong ang isang draft resolution na pinamunuan ng Pilipinas at Pakistan ukol sa dayalogo ng ibat-ibang relihiyon at kultura.
Mga Christmas retailers hataw ang benta
Kung marami ang nagangamba para sa takbo ng ekonomiya, ang mga retailer naman halos hindi nararamdaman ang sinasabing krisis-- hataw kasi ang mga Christmas sales at marami ang pumupunta.
Dahil dito, hindi natatakot ang mga retailers sa sinasabing paghina ng negosyo lalo sa 2009. Katunayan anila, buhos ang mga paninda ngayon dahil sa dami ng namimili, at magtutuloy-tuloy pa raw ito sa sususnod na taon.
Ayon sa Philippine Retailers Association, dahil sa pagbaba ng presyo ng gasolina mula Agosto, kampante silang magtutuloy-tuloy ang magandang bentahan.
Dagdag pa diyan ang inaasahan ng Bangko Sentral na mas mataas na dollar remittance ng mga OFW sa 2009 kumpara ngayong taon. Kung tuloy kasi ang pasok ng pera, tuloy din ang pamimili!
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM







