Bandila, Biyernes, Nobyembre 14, 2008
Bandila, Biyernes, Nobyembre 14, 2008
11/15/2008 1:01 AM

Dela Paz nasa Senado na
Natapos na ang paghahanap ng Senado. Kusa nang nagpakita si retired PNP comptroller Eliseo dela Paz. Handa na raw siyang humarap sa imbestigasyon kaugnay ng malaking halagang nakumpiska sa kaniya sa Russia.

Imbes na dumiretso sa Senate sergeant-at-arms na aaresto sana sa kaniya dahil sa hindi pagsipot sa imbestigasyon ng Senado sa 105,000 euros na nakumpiska sa kaniya sa Russia, sa dati niyang boss sa PNP na si Senador Panfilo Lacson sumuko si dela Paz pasado alas kwatro ng hapon kanina sa Guadalupe, Makati .

Pasado alas siyete ngayong gabi, inilipat na si dela Paz sa mismong detention room niya. At habang nandito, naglalamay si dela Paz at ang kanyang mga abogado para sa pagharap sa mga senador bukas.

Mga foreign trips ng mga taga-PCGG iimbestigahan
Pati pagbiyahe sa abroad ng mga taga-Presidential Commission on Good Government, i-imbestigahan.

Pinaiimbestigahan ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang $1 milyong naiulat na ginastos ng mga opisyal ng PCGG nitong nakaraang anim na buwan. Gustong alamin ni Gonzalez kung otorisado ang mga biyahe at kung sino-sino ang mga sumama.

Ito'y sa kabila ng mga balitang maraming tangay sa pagbiyahe ang chairman ng PCGG.

Greenhills pinasigla na ng COD Christmas display
Sinimulan nang ipakita ang tradisyunal na COD Christmas display ng mga gumagalaw na manikin.

Pang-51 taon na ngayon ng isa sa pinakaaabangang Christmas show sa bansa. Ang Manila COD display ay isang tradisyon na nagsimula lang bilang marketing gimik para makaengganyo ng mga parukyano na pasukin ang department store.

Enero pa lang, pinaplano na ang tema at konsepto ng bawat COD Christmas show. Pagdating ng Hunyo, sinisimulan na ang produksyon nito. Ngayong taon, pangangalaga sa kalikasan ang tema ng Manila COD.

Mga pulis bawal manghingi ng aginaldo
Nagsimula nang maghigpit ang PNP sa pagbabantay sa mga shopping mall. Inaasahan kasi nilang sa pagdami ng mga tao sa mall ngayong papalapit na ang Pasko, dadami rin ang insidente ng krimen.

Sa mga mall nga sa Makati, naglilibot na ang mga Santa cops. Pero sa paglilibot ng mga pulis, pinalala ng kanilang mga boss na huwag manghingi ng aginaldo.