Bandila, Martes, Nobyembre 18, 2008
Bandila, Martes, Nobyembre 18, 2008
11/19/2008 12:31 AM

Bolante, ‘di pa rin napiga sa Kamara
Tulad ng mga senador, walang napiga ang mga kongresista sa mga testimonya ni dating agriculture undersecretary Jocjoc Bolante sa fertilizer fund scam.

Nadismaya ang mga kongresista sa testimonya ni Bolante. Tingin nila, nakahanap ito ng paraan kung paano lulusutan ang mga tanong na magdidiin sa fertilizer fund scam.

Sabi nga ni Agriculture Committee chairman Baham Mitra, nagulat sila sa Jocjoc na humarap sa kanila ngayon, kumpara sa matikas na Bolante na kilala niya noong nasa puwesto pa ito.

Mga kongresista hugas-kamay rin sa fertilizer fund scam
Hindi lang si dating undersecretary Jocjoc Bolante ang naghugas-kamay kanina! Pati mga kongresista, sinamantala ang pagdinig sa Kamara para linisin ang kanilang mga pangalan at itangging nabiyayaan sila ng fertilizer fund.

Imbes na umpisahan ang hearing sa pagtatanong sa pinakakaabangang testigo, sinamantala ito ng mga kongresista para linisin ang pangalan nila. Nasa 105 na dati at kasalukuyang kongresista ang nasa listahan ng nabigyan umano ng pondo.

Nagdeklara din sina La Union congressman at dating governor Victor Ortega, Zambales Rep. Mitos Magsaysay para sa kanyang biyenang si dating governor Vic Magsaysay, Parañaque Rep. Ed Zialcita, Camarines Sur Rep. Felix Alfelor at iba pa na hindi sila nakatanggap ng pera mula sa fertilizer fund.

Nagpasaring naman si Bacolod Rep. Monico Puentevella sa mga senador, dahil marami sa mga kongresista ang nakaladkad sa iskandalo dahil sa mga naunang imbestigasyon ng Senado sa fertilizer fund scam.

Tatlong ‘euro generals’ kasali sa balasahan sa PNP
Magkakabalasahan din sa PNP simula bukas. Tatlo sa mga ililipat ng posisyon ay mga heneral na nadawit sa euro scandal o sa pondong ginastos at nakumpiska sa mga police general na pumunta sa Russia.

Ito'y sina Deputy Director General Emmanuel Carta, General Ismael Rafanan at Director German Doria.

Pero iginigiit ng PNP na regular na balasahan ito at walang kinalaman sa imbestigasyon sa binansagang euro generals.

Pagsisimula ng maliit na negosyo, possible sa maliit na puhunan lang
Kung may ilang pulitika ang inaatupag, marami ang paghina ng ekonomiya at paghirap ng buhay ang iniintindi. Kaya, dinagsa ang Grand Kapamilya Negosyo Fair ng mga balak makaraos sa pamamagitan ng pagnenegosyo.

Kung karamihan sa negosyong pwedeng pasukin ay daang libong piso ang dapat na puhunan, marami rin ang pangmasa na konti lang ang kailangang kapital.

Patok daw ang negosyong pagkain. Kung maganda ang pwesto at tutok ang may-ari, wala pang anim na buwan, bawi na agad ang kapital. Pero para sa isang kilalang entrepinoy, huwag puro kita lang ang isipin.

Cholera outbreak sa Misamis Oriental?
May outbreak sa Misamis Oriental, pero di pa malaman kung anong klaseng sakit ang tumama sa 960 pasyenteng isinugod sa mga ospital at health center sa bayan ng Valencia. Dalawa na rin ang namatay.

Lahat ng pasyente ay kinakitaan ng sintomas ng cholera, gaya ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae.

Ayon sa provincial health center kinakailangan munang makita ang resulta ng mga pagsusuri bago makumpirma na cholera nga ang nakadale sa mga nagkasakit.

Opisina ng DOLE, pinaulanan ng mga underwear bilang protesta
Opisina ng DOLE, pinagbabato ng mga panties at bra. Protesta ito sa sinasabing pakikialam ng ahensya sa gusot sa isang kumpanya.

Ang mga nagprotesta ay mga empleyado ng Triumph Philippines, bahagi ng pinakamalaking pagawaan ng underwear at damit sa bansa. Protesta nila ito laban sa umano'y pakikialam ng DOLE sa collective bargaining agreement o CBA ng mga empleyado at management ng Triumph.

Apat na buwan na raw ang negosasyon sa pagitan ng mga empleyado at ng triumph nang bigla raw sumingit ang DOLE sa usapan. Wala pa mang deadlock sa negosasyon, naglabas daw ang DOLE ng "assumption of jurisdiction" kaya't hindi na makaapela ang mga manggagawa at bahala nang humatol ang DOLE.

Musika ng Marines Drum and Bugle Corps tampok
Hindi lang panggiyera ang mga sundalo, may Marines din na nagmamartsa---at umiindak sa masayang tugtog ng kanilang banda. Sila ang Philippine Marines Drum and Bugle Corps. Imbes mga baril, musical instruments ang kanilang hawak.

Mga aktibong sundalo ang bumubuo sa banda. Mahigit 20 pagtatanghal ang ginagawa ng drum and bugle corps kada buwan. At dahil sa husay sa pagtugtog at demonstration style, hindi na lang sa mga okasyon ng AFP sila tumutugtog. Naiimbitahan din sila sa iba't ibang mga okasyong pangsibilyan sa buong bansa at maging sa abroad.

Abala sila ngayon sa pagpapraktis ng mga tugtuging Pamasko. Bawal man silang mangaroling, libre naman nilang hinahandog ang kanilang serbisyo at musika sa bawat okasyon ng AFP at iba pang imbitasyon.