TV Patrol Linggo, Agosto 31, 2008
Ely Buendia isinugod sa ospital, reunion concert ng Eraserheads naputol
May anim na taon ring hinintay ang muling pagsama-sama ng isa sa mga pinaka-maimpluwensyang banda ng dekada '90 -- ang Eraserheads. Mula sa unang kanta pa lang, hindi binigo nina Ely, Raimund, Buddy at Marcus ang libo-libong fans na dumagsa sa kanilang reunion concert sa Fort Open Field sa Taguig.
Tuloy-tuloy ang rock out ng Eraserheads hanggang sa ika-15 kanta nila, kung saan napaupo si Ely habang nakatukod ang noo sa kanyang gitara. Napansin na lang ng mga audience na umalis na ng stage si Ely.
Maya-maya pa'y lumabas na lang ang kapatid ni Ely para ianunsyo ang nangyari sa kapatid. Maging ang mga kasama sa E-heads nabigla sa pangyayari.
Ang sumunod na eksena, isinasakay na sa ambulansya si Ely para isugod sa Makati Medical Center, bago tuluyang inilipat sa Philippine Heart Center. Nabitin man sa concert, naunawaan naman ng mga fans ang di inaasahang pangyayari.
Ely Buendia, stable na ang kalagayan matapos ang concert emergency
Stable na umano ang kondisyon ni Ely Buendia matapos siyang itakbo sa ospital habang nasa gitna ng reunion concert ng Eraserheads sa Fort Bonifacio sa Taguig. Sinasabing tuluyang bumigay ang katawan ni Buendia dahil sa matinding pagkapagod at emotional stress, lalo’t kamamatay lang ng kanyang ina nitong Agosto 28.
Bahagya na umanong bumuti ang kondisyon niya. Ayon sa manager ni Ely na si Day Cabuhat, kasalukuyan nang nagpapahinga ngayon ang singer at nagpapasalamat sa mga fans at kaibigang nagdarasal para sa kanya.
Isang taon pa lang ang nakalilipas mula nang sumailalim ang singer sa isang andioplasty procedure ang kanyang ugat sa puso, nagbalik eksena siya sa mundo ng musika matapos buuin ang bandang 'Pupil,’ pero ang pinaka-aabangan ay ang "One Night Only Eraserheads Reunion Concert"
Kaya naman marami ang nalungkot nang mauwi ito sa di-inaasahang insidente nang sumama ang kondisyon ni Ely at biglang isinugod sa ospital.
Tiya Dely, isinugod sa ospital matapos ma-stroke
Isinugod naman sa Manila Doctors’ Hospital ang binansagang “First Lady of Philippine Radio” na si Tiya Dely Magpayo matapos ma-stroke nitong Sabado. Kinumpirma ito ng isang duktor na malapit na kaibigan ng kanyang pamilya.
Isa sana si Tiya Dely sa mga pararangalan sa taunang Sagisag Quezon Awards sa kanyang mahigit 60 taong pamamayagpag sa ere. Pero dahil sa kanyang maselang kundisyon, kaanak na lamang niya ang kumuha ng parangal.
Isa sa mga haligi ng malayang pamamahayag si Tiya Dely. Unang namayagpag ang kanyang boses sa ere noong 1940, at isa sa mga unang nagpasikat ng mga awiting Pinoy.
Naging newscaster, kumentarista, dramatista, at mang-aawit si Tiya Dely, pero mas lalong tumingkad ang kanyang boses sa radyo bilang on-air counselor o tagapayo. Para sa kanyang mga kaibigan at kasamahan sa dzRH, isa lang ang kanilang hiling: malagpasan ni Tiya Dely ang kalbaryong ito.
Exhibition game ng Sta. Lucia Realtors sa Dubai, nauwi sa rambol
Nauwi naman sa makapigil-hiningang rambol ang exhibition game ng PBA team na Sta. Lucia Realtors sa Dubai. Naging pisikal ang laro nang magsimulang maghabol sa third quarter ang koponan ng mga Pinoy laban sa Al Ahli Basketball Club.
Pero mabilis ang pag awat ng maraming pulis Dubai, pati na ng ilang lokal na Emirati. Ang eksena, nagmistulang riot sa rally.
Sa huli, nanaig ang mala pader na depensa ng mga pulis. Di na itinuloy ang laban kaya nauwi na lang ito sa picture taking at pag-autograph sa mga OFW. Agad namang humingi ng dispensa ang mga Pinoy sa nangyari.
Higit 40,000 pamilya sa evacuation centers gugunitain ang Ramadan
Mahigit 40,000 pamilyang mga Muslim ang doble-sakripisyo ngayon dahil sa mga evacuation center nila gugunitain ang Ramadan, dahil patuloy pa rin ang bakbakan ng militar at MILF.
Bagamat kailangan nga nilang mag-ayuno sa araw, kailangan din nilang kumain sa madaling araw at sa gabi. Ang problema, kulang nga sila sa pagkain dito.
Sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, 41,000 pamilya ang nasa evacuation center ngayon, pinakamarami dito mula sa Maguindanao.
Wala namang indikasyon na matatapos na ang pagtitiis ng mga evacuee dahil ayon sa militar, tuloy-tuloy ang opensiba hangga’t di napapasuko si Commander Bravo, Umbra Kato at iba pang lider MILF na sangkot sa pagsalakay sa limang lalawigan sa gitnang Mindanao.
Mga Muslim naghahanda na sa simula ng Ramadan
Handa na ang mga Muslim para sa pagsisimula ng Ramadan, kung saan mag-aayuno sila o "fasting" sa loob ng isang buwan. Sa panahon ng Ramadan, di pwedeng kumain o uminom ng tubig ang mga Muslim mula pagsikat hanggang paglubog ng araw. Bawal rin ang anumang bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak, gayundin ang pakikipagsiping.
Maliban sa pisikal na paglilinis, mas nakatuon ang pansin ng mga kapatid nating Muslim sa paglilinis ng isipan at sa ispiritwal na aspeto.
Ang Ramadan ay katumbas ng Semana Santa para sa mga Kristiyano: panahon ng pagninilay, pagtitika at pag-aayuno. Kaya naman importante ang katahimikan sa mga panahong ito.
Pero ang tanong: paano magkakaroon ng katahimikan lalo na ang mga nasa Mindanao kung hindi magkakaroon ng tigil-putukan sa panahon ng Ramadan? Ang Philippine Council for Islam and Democracy, dismayado sa desisyon ng gobyernong ituloy ang pakikipaglaban sa MILF.
Mga residente malapit sa ‘Princess’ inihahanda na sa posibleng evacuation
Bilang paghahanda sa pag-ahon ng mga nakalalasong kemikal mula sa m/v Princess of the Stars, bumuo na ng evacuation plan ang bayan ng San Fernando, Romblon.
Peligroso daw kasi ang salvaging operation kaya't kailangang ilikas ang mga residenteng nakatira malapit sa pinag-lubugan ng barko. Bukod sa banta ng chemical at oil spill, posible rin daw na biglang lumubog ang barko.
Aminado si San Fernando mayor Nanette Tansingco na magiging mahirap ang pagpapalikas sa mga residente, bukod pa sa gastos na aabot sa mahigit P1 milyon. Para naman sa mga residente, panibagong dagok ang pagpapalikas sa kanila.
Tangkang holdap sa Makati di raw pulis o militar ang sangkot
Itinanggi ng pulisya na mga dating pulis o sundalo ang nasa likod ng nabulilyasong panghoholdap sa UCPB Makati noong Huwebes.
Base naman sa isang video, na-obserbahan ng pulisya ang kilos ng mga holdaper na hinihinalang mga nagsanib na myembro ng Kuratong Baleleng at Ampang Colangco Group.
Samantala, si Rea Palma, isang sibilyan na nadamay sa engkwentro ng mga pulis at holdaper, ay nakaratay pa rin sa ospital dahil sa tindi ng tama ng shrapnel sa kanyang katawan.
Dahil kapos sa pera, isinanla na niya pati mga hikaw niya para lang makabili ng gamot at gamit sa kanyang operasyon sa Ospital ng Mandaluyong. Ngayon, humihingi na siya ng tulong sa mga kinauukulan para matulungan siya sa pagpapagamot.
Dating hepe ng Batangas City PNP patay sa ambush
Patay ang dating hepe ng Batangas City Police na si Manuel Kalalo matapos tambangan habang pauwi mula sa sabungan Sabado ng gabi. Tadatad ng tama ng bala ang sasakyan ni Kalalo.
Ayon sa mga testigo, hindi pa nakunteto ang mga suspek. Bumaba pa ng sasakyan ang dalawa at pinaulanan ng bala ang dating PNP official masiguro lang na patay na ito.
Dahil dito, binuo na ang Task Force Kalalo para tugisin ang mga suspek. Pinaghahanap na ng PNP ang tatlong suspek habang inaalam na rin nila kung ano ang motibo sa pagpatay kay Kalalo.







