Reklamo vs Cherry Mobile cell phone ipinarating sa BMPM


Ilang reklamo tungkol sa umano’y mababang kalidad at hindi maayos na customer service ng sikat na cell phone maker na Cherry Mobile ang natanggap ng Bayan Mo, iPatrol Mo.

Isa sa mga nagrereklamo ang Bayan Patroller na si Tim Libunao. Depektibo raw ang nabili niyang cell phone lalo’t nade-delay an kanyang mga text message, hindi makakonek sa wi-fi at kulang-kulang na phonebook entries.

Ang masaklap pa, ayon sa kanya, pahirapang dumulog sa kanilang customer service.

Sa pagkadismaya, ginawan niya ng Facebook page ang reklamo.

Doon na umano dumami ang iba pang may hinaing sa cell phone manufacturer.

"'Pag meron nang mga complaints na mga dumadating about the phone, huwag na nilang hintayin na bilhin pa ng customer 'tsaka magrereklamo. Pull-out na sana nila," ani Libunao.

Inirereklamo naman ni Charles Velasquez ng Rizal ang mahinang volume ng headset ng binili niyang dalawang cell phone units.

Nang ipa-rate ang customer service ng kumpanya, sagot ni Velasquez: "From 1 to 10, 2 lang siguro... kasi brand new iyong binili mo, dapat walang defect iyon eh."

Humihingi naman ng paumanhin ang Cherry Mobile pero nilinaw nilang normal lang ang mga natatanggap nilang bilang ng mga reklamo.

"Well, we really grew up so rapidly, but in terms of iyong percentage noon returns, it's still not that significant. Technically speaking, it's still less than 2-percent but it doesn't mean na we're ignoring the complaints," ani Agnes Conopio, marketing head ng kumpanya.

Inaksyunan na rin daw nila ang reklamo tungkol sa kakulangan sa hotline numbers at service centers.

"We have already added 5 new hotlines and then we're gonna expand our service centers," ani Canopio.

Ayon naman sa National Telecommunications Commission, mas mainam na may sapat na service centers ang anumang phone manufacturer bagama’t hindi ito requirement.

Anumang paglabag naman sa warranty o return policies ng mamimili ay maaaring ilapit sa Department of Trade and Industry. TJ Manotoc, Patrol ng Pilipino

01/11/2011 10:30 PMBookmark and Share