Rollback sa presyo ng diesel, tiniyak ng DOE
Matapos ang apat na sunud-sunod na dagdag-presyo sa petrolyo, tiniyak ng Department of Energy (DOE) na rollback naman ang sasalubong sa mga motorista sa susunod na linggo.
Sigurado na ang rollback sa diesel pero alanganin pa ang gasolina dahil posible pang tumaas ang presyo nito sa international market ngayon.
“Less than P1 po ‘yun. Mukhang ‘yung pangamba in the past 2 weeks, medyo humupa ng konti last week," sabi ni Energy Undersecretary Jay Layug.
Kahit may rollback, aprubado na ang reloading ng Pantawid Pasada cards.
Wala pang pinal na halaga pero mas malaki raw sa P1,050 ang ikakarga sa card.
Sa susunod na linggo, pinal na raw ang tulong na ibibigay sa transport sector.
Handa rin ang Pangulo na makipagpulong muli sa mga transport group.
Pero nag-aalangan na ang transport groups na humarap sa Pangulo.
Ayon sa kanila, puro lang pangako ang Malacañang at walang natupad sa napagkasunduang tulong sa pulong noong isang taon.
Nagtataka naman si PNoy kung ano ang mga ipinangako niya sa mga tsuper na hindi natupad.
"When you say hindi natupad, sana mayroong specifics kung anong hindi natupad sa aming pinag-usapan," sabi ng Pangulo.
Isa sa iginigiit ng mga transport group ang pagpalit ng makina ng mga jeep sa LPG mula sa kasalukuyang diesel.
Inilabas ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang resulta ng pag-aaral ng University of the Philippines School of Mechanical Engineering na hindi naman makakatipid ang mga tsuper kapag pinalitan ng LPG ang makina ng jeep.
"’Yung savings sa LPG consumption, lumalabas sa 40 kilometers per hour. Samantala, sa ating mga jeep, stop and go ‘yan eh," sabi ni DOTC Secretary Mar Roxas.
Ang problema ng DOTC, kung wala namang matitipid ang tsuper, paano nila mababayaran ang uutanging P300,000 na pambili ng LPG-jeep?
Pero para makasiguro, magsasagawa pa rin ng pilot testing ng mga LPG jeeps sa mga piling ruta.
Payag naman dito ang mga transport group na umaasang magsisimula na sa Marso ang test run ng mga LPG jeep.
Pero hindi raw nila iaatras ang hirit na P0.50 dagdag-pasahe dahil malamang aarangkada muli ang presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino
01/20/2012 9:20 PM







