Presyo ng sardinas, maaaring tumaas uli


Katataas lang ng presyo ng sardinas ng piso noong nakaraang buwan, may ilang brand na naman na humirit sa Department of Trade and Industry (DTI) na muling magtaas ng hanggang P1.40 kada lata.

Pero ‘di muna ito pinayagan ng DTI.

“Kung walang silang maipresenta na acquisition cost, mahihirapan,” sabi ni Undersecretary Zeny Maglaya.

Trese pesos hanggang P13.50 lang ang suggested retail price ng sardinas.

Pero ang gusto ng leading brand, iakyat ito sa P14.20.

Babala naman ng isa pang manufacturer ng sardinas, hihirit din sila ng karagdagang piso sa Marso dahil kulang pa rin umano ang suplay ng isda.

"Ayaw nilang pa-import, inipit, lalong tumaas. They should allow importation during off season,” sabi ng sardine manufacturer na si Francis Chung.

Na-monitor din ng mga supermarket owner na tumaas ang kilalang brand ng tinapay--piso sa loaf bread at piso rin sa 20 piraso ng pandesal.

Payo ng mga negosyante, marami namang ibang brand na puwedeng pagpilian na ‘di naman tumaas ang presyo.

“Magtiyaga kayong maghanap ng mas mababa at ang ingredients ay pareho,” sabi ni Atty. Federico Ples, secretary general ng Philippine Association of Supermarkets Inc.

Pero nilinaw ng Gardenia na ‘di sila nagtaas ng presyo.

Sinita naman ng DTI ang mga flour millers dahil hindi pa rin bumaba ang presyo ng arina gayong nagmura na ang trigo sa world market.

“We’ve been asking them to give us their purchase price pero hindi nila binibigay, isho-show cause na namin,” sabi ni Maglaya.

Mula P880 hanggang P960, dapat daw ibaba sa P840 hanggang P920 ang sako ng arina para mabawasan din ang presyo ng tinapay. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino

02/15/2012 10:29 PMBookmark and Share