'Panunuhol' ng casino exec sa Pagcor, sinisilip ng US SEC
Iniimbestigahan na ngayon ng awtoridad dito sa Amerika ang bintang ng Wynn Resorts na lumabag ang direktor nilang si Kazuo Okada sa Foreign Corrupt Practices Act nang ‘di umano'y nanuhol ito ng mga opisyal sa Pilipinas para makapagtayo ng sarili niyang casino sa ating bansa.
Sisilipin ng US Securities and Exchange Commission ang paratang ng casino giant na nagpaluwal ng mahigit $100,000 si Okada para suyuin ang dati at kasalukuyang pinuno ng Pagcor.
Nauna dito, nagsampa ng asunto ang Wynn Resorts laban kay Okada sa district court of Nevada.
Kalakip ng demandang ito ang resulta ng internal investigation na isinagawa ng kompanya.
Dito nakasaad na sa mga pagpupulong ng board members ng Wynn, ibinibida ni Okada na hindi siya puwedeng pagbawalan ng kompanya na magbigay ng mamahaling regalo sa mga opisyal ng gobyerno sa Pilipinas dahil ganito raw ang kalakaran ng pagnenegosyo sa ating bansa -- bagay na ikinagulat ng ibang miyembro ng board, dahil kay Okada na rin daw nanggaling na wala nang katiwalian sa Pilipinas dahil bago na ang nakaupong administrasyon.
Pero pagkatapos sabihin ito, giniit pa rin ni Okada na kakailanganin pa rin nilang kumuha ng isang fixer na manunuhol ng dapat suhulan para umarangkada ang kanilang proyekto.
Nakasaad din sa dokumento na nang patirahin umano ni Okada si Pagcor chairman Cristino Naguiat sa $6,000-a-night hotel suite na ito sa Wynn Macau kasama ang kanyang pamilya at isang yaya, binigyan din nila ng luxury accommodations ang ilang senior Pagcor officials na nagsama rin ng pamilya.
Kahapon nakipagkita ang isa sa mga abogado ng Wynn sa ilang criminal prosecutor ng US Department of Justice. Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino, San Francisco







