Aplikante sa HK dumalang dahil sa hostage crisis


Walang aplikante para sa posisyon ng domestic helper sa Hong Kong ang isang recruitment agency sa Maynila. Taliwas ito sa eksena ng mga nagdaang buwan na 10 aplikante kada araw ang kanilang inaasikaso.

Kapuna-puna raw ang pagtumal ng aplikante mula nang maganap ang hostage crisis sa Luneta na kinamatay ng 8 Hong Kong Chinese at Canadian nationals.

“Siguro po natakot po sila na baka maapektuhan pagdating doon,” ani May Ann Abuid, recruitment ffficer ng Jake International.

Kinumpirma ng mga grupo ng mga recruitment agency ang epekto ng insidente sa "deployment" o pagpapadala ng mga domestic helper Hong Kong, pero pinawi nila ang takot ng mga gustong mag-aplay ng trabaho roon.

“Huwag po tayong mag-aalala dahil wala pong nananalbahe because of the incident,” pahayag ni Claro Genio, direktor ng Society of Hongkong Accredited Recruiters of the Philippines.

May 2 kaso ng pagtatanggal ng domestic helpers sa Hong Kong.na naitala ang Department of Labor and Employment, pero hindi ito naniniwala na magkaroon ng pangmatagalang epekto sa mga domestic helper ang nangyaring hostage crisis.

Payo pa ng gobyerno sa mga domestic helper, habang mainit pa ang sitwasyon ay respetuhin ang pagdadalamhati ng mga amo, doblehin ang pagsisipag at sumangguni agad sa konsulada kapag may pang-aabuso. – Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino

08/31/2010 11:10 PMBookmark and Share