Food cart business patok na patok
Naaalala pa ba ninyo ang ice scramble na inilalako sa mga bangketa?
Ngayon puwede mo na itong i-negosyo sa mall. Malinis na, may sari-sari pang flavors at toppings!
Isa ito sa mga patok na food cart business ngayon.
Naglalaro lamang sa P75,000 pataas ang puhunan dito.
Sa halagang ito kasama na ang kumpletong gamit at mga sangkap ng produkto.
Tuturuan ka rin at iyong magiging mga empleyado kung paano ito palaguin, kaya ang empleyadong si Melissa, naengganyong mag-franchise.
“Mas kaya siya ng bulsa. Parang hindi siya one-time, big-time,” ani Melissa Dalagan, isang franchisee.
Maraming naeenganyo sa franchising dahil mas sigurado raw ang kita, pero ayon sa mga batikang franchisor importante sa negosyo ang lugar kung saan mo ito ipupuwesto.
“Wala namang negosyong sigurado kaya may risk talaga lahat,” ani Carlito Macadangdang, isang franchisor.
Sa pagpili naman ng produkto, maganda raw ang bago at dapat gusto mo talaga ang produkto para mas epektibong maibenta.
Kung mapapatakbo mo ng mabuti ang iyong negosyo, puwede kang kumita ng neto na P15,000 hanggang P20,000 kada buwan.
Kaya kung makaka-dalawang food cart ka, puwede mo raw na itong gawing full-time na trabaho!
Para maiwasan ang mga franchising scam, siguraduhing miyembro ang iyong franchisor ng Franchising Association of the Philippines. – Apples Jalandoni, Patrol ng Pilipino
09/05/2010 11:02 PM



