Presyo ng petrolyo tataas muli ngayong linggo
Protesta ang resbak ng mga militante sa panibago na namang pagmahal ng petrolyo kanina.
Halagang P0.90 ang itinaas sa presyo ng gasolina, P0.70 naman sa diesel.
Pero mukhang lalong madidismaya ang mga militante at motorista dahil may isa pang nakaambang pagtaas sa presyo ng petrolyo ngayong linggo.
Hinati kasi ng mga oil company ang dapat sana’y mahigit pisong dagdag sa presyo ng diesel at gasolina.
Sa taya ng Department of Energy (DOE), nasa P1.79 ang katumbas ng umento sa imported na gasolina, mahigit piso naman sa diesel.
“We would like to cushion the impact of high prices kaya naka-stagger throughout the week so it could be more than once a week ho,” sabi ni Roberto Kanapi, tagapagsalita ng Pilipinas Shell.
Pagtaas naman sa government fees, dagdag-pasahe sa MRT at LRT, at VAT sa toll sumentro ang usapan sa hearing ng Senado.
Kinuwestiyon ng mga senador ang timing ng mga pagtaas na sasabay sa walang habas na pagmahal ng petrolyo at bilihin.
Sangkaterba raw ang pondong hindi nagagastos ng gobyerno kaya hindi pa naman lubos na kailangan ang dagdag na kita.
“Bakit natin pahihirapan ang tao kung wala namang pagkakagastusan? Kailangan ba natin 'to at this time when our problem is really underspending,” sabi ni Senador Manny Villar.
Tanong naman ni Senador Ralph Recto, bakit kailangang itaas ang singil sa MRT at LRT kung gobyerno rin naman ang may-ari nito at may nakalaan ng P8 bilyon subsidya sa budget?
“Grabe ang traffic sa EDSA. Itataas mo ang presyo ng MRT so ang tao bababa? Eh ‘di lalong sasama ang traffic,” sabi ni Recto.
Pati ang mga empleyado ng gobyerno tutol sa pagtaas ng government fees at pasahe sa MRT at LRT.
Pero nanindigan ang National Economic Development Authority (NEDA) na may positibong epekto rin naman ang pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT.
“We would like also to emphasize that this should be accompanied by a remarkable improvement in services provided by the 3 lines to make the hike reasonable,” sabi ni NEDA Secretary Cayetano Paderanga.
Bukod sa nakabinbing hiling na dagdag singil sa pasahe ng MRT at LRT at VAT sa toll, nakasampa rin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hirit na umento sa pasahe ng jeep at bus. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino
09/06/2011 9:50 PM







