Depositors nadismaya sa pagsasara ng LBC Bank


Nagpaalam lang sandali sa trabaho si Consolacion.

Narinig kasi niyang sarado na ang LBC Development Bank.

Pagdating sa bangko, nanlumo siya nang makumpirma ang balita.

“Maliit na pera lang iyon pero pinaghirapan ko iyon eh. Cook ako eh. Nagkakasakit na nga ako kaluluto ko,” sabi ni Consolacion.

Kailangan din ni Mang Hilario ng kanyang pera para sa pagpapagamot ng kanyang prostate cancer.

“Gusto ko i-withdraw sana to augment ng expenses of my medicines,” sabi ni Mang Hilario.

Naiipit din pati mga remittance ng mga overseas Filipino workers.

Si Raquel hindi makuha ang pera na ipinadala ng asawa mula Saipan.

“Mula Sabado kinukuha ko, kahapon hanggang ngayon, wala. ‘Sorry’ ang nakalagay,” kuwento ni Raquel.

Marami sa mga depositor naengganyo magdeposito dahil mas mataas daw ang interes.

Si Rolando Senera, dito inilagak ang buong separation pay sa pag-asang tutubo ito nang malaki.

Noong Sabado naman, pinagbabaril ng isang hindi nakilalang lalaki ang main branch ng LBC Bank sa Poblacion, Makati.

Iniimbestigahan pa ng Makati police kung ito ay may kinalaman sa pagsasara ng bangko.

May mahigit 321,000 accounts ang LBC Development Bank kung saan 99% nito ay covered ng deposit insurance.

Ang mga depositor ay pinangakuan na haharapin ng Philippine Deposit Insurance Corporation at pamunuan ng bangko sa isang forum na kanilang ipapatawag para pag-usapan kung paano makukuha ang kanilang pera. Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino