NTC kakasuhan ang mga telco dahil sa singil sa text


Akala ng National Telecommunications Commission (NTC), nagkaintindihan na sila ng Sun, Smart at Globe noong Biyernes na ibaba ang singil sa regular text sa P0.80 mula piso.

Pero dumaan na ang weekend, hindi naman natapyasan ang singil sa text.

Kaya ang NTC, kakasuhan na ang tatlong telcos.

Inutos noon pang November 30 ng NTC na bawasan ang "interconnection charges" ng mga telcos mula P0.35 pababa ng P0.15.

“Saan mapupunta ang savings? Dapat mapunta iyon sa consumer,” sabi ni NTC Director Edgardo Cabarios.

Dedma ang Smart at Sun sa isasampang asunto ng NTC pero nanindigan ang Globe na sumunod sila utos na ibaba ang interconnection charge.

Wala rin daw karapatan ang NTC na magtakda kung magkano ang singil sa text dahil "deregulated" ang industriya.

Ninety five percent ng halos 90 milyong Pilipinong may cell phone, prepaid ang gamit.

Mas marami rito, tinatangkilik ang mga promo gaya ng unlitext pero mahigit 3 milyong subscriber ang regular text lang ang gamit araw-araw.

Ang mga ito raw ang nangalampag sa NTC para puwersahin ang mga telco na bawasan ang singil sa text.

“Grabe naman sila, ang laki na nga ng kita nila tapos kaunting halaga lang ayaw pa nila ibigay,” sabi ng isang consumer.

“Dapat ho bawasan nila kasi ang mga Pinoy naman mahilig talaga mag-text,” sabi pa ng isa pang consumer.

“Dapat bawasan kasi mabigat nga eh,” giit pa ng isa pang consumer.

Sa ilalim ng batas, P200 lang kada araw ang multa sa hindi pagsunod sa utos.

Pero babala ng NTC, puwedeng ipatigil ng komisyon ang negosyo ng mga telco.

“Puwede ring i-cancel, i-suspend or i-revoke ang kanilang authority,” ani Cabarios.

Pag-uusapan din daw sa komisyon ang "refund" sa mga subscriber dahil sa sinasabing pagsuway ng telco sa utos na bawas-singil sa text. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino