'Bourne' nag-shooting sa Intramuros

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Isang lugar sa South America sa gitna ng giyera -- ito ang kinunang eksena ngayon sa "Bourne Legacy.”

May foreigner pang extra pero lahat ito ay kinunan lang sa Intramuros, Maynila.

Matindi pa rin ang seguridad sa shooting.

Tinakpan ang eksena nina Edward Norton, Jeremy Renner at Rachel Weisz.
Suwerteng kasama naman sa cast ang Pinoy actor na si Lou Veloso na nakaeksena si Rachel.

“Ako ay fisherman sa eksena dito and towards the end of the movie, sasakyan silang dalawa sa boat na pag-aari namin,” sabi ni Lou.

Naipasok pa raw niyang artista ang batang kasamahan niya sa senakulo.

“Kahapon dinala ko ang mga tinuturuan naming bata para mapili at good naman na may napili sila,” sabi ni Lou.

Pambihirang karangalan din para kay John Arcilla ang papel sa “Bourne Legacy” bilang sikyu.

“There’s no air of intimidation how I’m working with these actors from Hollywood. Wala akong maramdaman na air of star complex,” sabi ni John.

Kuwento ni John, maraming tanong patungkol sa Pinas si Rachel mula sa kahirapan at pulitika.

“Kung iyon na raw ba ang mahihirap o may mas mahirap pa, sabi ko mas marami pang mahirap. In fact, sabi ko there are a lot of people living under the bridges of Manila. And then she’s really very sad,” kuwento ni John.

Bukas sa Pasay naman ang shoot.

Sasaraduhan ang Zamora Street mula sa EDSA hanggang Protacio mula 5 p.m. hanggang alas-12 ng tanghali. Sakop nito ang isang lane ng EDSA southbound mula Tramo hanggang Taft Avenue.

Ayon sa MMDA, full force sila bukas dahil Biyernes at para maiwasan ang aberya sa trapiko gaya kahapon nang magbaba ng equipment ang production staff ng “Bourne Legacy” sa EDSA.

Sa weekend, kritikal ang eksena sa may MRT at footbridge sa EDSA kung saan 1,500 ang extra. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino

01/26/2012 10:02 PM