MTRCB, ipinatupad ang “Striktong Patnubay o Gabay”
“SPG” rating o “Striktong Patnubay o Gabay.” Ito ang bagong babala ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa mga manonood.
Dagdag ito sa “G” (General Patronage), at “PG” (Parental Guidance) ratings na ginagamit ng MTRCB ngayon.
Pulang pictogram ang ilalagay sa mga may sensitibong eksena gaya ng karahasan, droga, lengguwahe, sekswal, at katatakutan.
Ayon kay MTRCB Chairperson Grace Poe-Llamanzares, nagsisilbing gabay ito sa mga magulang at anak.
“We rely on our children to know right from wrong. This is exactly what it is,” ani Llamanzares.
Pero ayon sa MTRCB, hindi ito nangangahulugan na masama at hindi dapat panoorin ang programa na may SPG rating.
May ilang programa tulad ng dokumentaryo na may sensitibong video o tema na hindi lubusang naiintindihan ng mga bata.
Sang-ayon sa bagong sistema ang showbiz couple na sina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi na napiling spokepersons ng MTRCB.
“Buong puso naming tinanggap ang project kasi naniniwala kami sa advocacy ng MTRCB,” sabi ni Carmina. “Mga magulang din kami kaya parang gusto rin namin i-educate ang kapwa mga magulang na gabayan natin ang ating mga anak.”
Samantala, pagkakataon din ni Carmina na linisin ang isyu na nag-walkout siya sa isang commercial shoot kasama si Claudine Barretto. Ito'y kahit pinanindigan ito ng sumulat ng artikulo na si Dolly Anne Carvajal.
Paliwanag ni Carmina, “Hindi ko naman hinihingi na i-retract niya, eh. ‘Di ba kumbaga parang kung talagang pinaninindigan niya 'yung kanyang reliable source, then wala na kaming magagawa because ako 'yung nandodoon eh, siya 'yung wala doon.”
Sa kabila nito, wala raw galit si Carmina kay Dolly Anne. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino
02/10/2012 10:47 PM







