Sarah, handa na bang magmahal muli?


Mula sa paghataw bilang pop princess, ngayon total performer si Sarah Geronimo sa sarili niyang musical variety show na “Sarah G. Live.”

Dahil dito, kailangan muna niyang pansamanatalang magpaalam sa “ASAP” kung saan siya naging mainstay ng anim na taon.

Aminado si Sarah may kaba sa kanyang dibdib, lalo’t nasa balikat niya ang pagdadala bilang solo host sa mini-concert show na simula na sa February 26.

"Ginawa po iyan nila Ms. Sharon Cuneta, Ms. Vilma Santos at Ms. Nora Aunor. Napakalaking blessing pero I take it as a challenge na din," sabi ni Sarah.

Agad namang natanong si Sarah sa mga napipisil niyang special guests sa programa.

Kabilang na rito ang nauugnay sa kanyang si Gerald Anderson.

Hindi itinanggi ng singer, espesyal sa kanyang puso si Gerald.

"Yes, special sa akin si Gerald. Huwag natin madaliin, kung mararamdaman namin 'yung love, mararamdaman din naman 'yun. Pero sa ngayon wala pa," sabi ni Sarah.

Pero giit ni Sarah, hindi sya nagmamadaling pumasok muli sa relasyon.

"Naniniwala ako na true love waits," sabi niya.

At home naman sa Pilipinas ang multi-Grammy award-winning artist na si James Ingram.

Iparirinig muli ni James ang love songs na nagpakilig sa mga Pinoy sa kanyang post-Valentine’s concert.

Kabilang dito ang hits na “How Do You Keep the Music Playing,” “I Don't Have The Heart,” at “Just Once.”

Makakasama ni James ang Pinoy pride na si Lea Salonga sa concert sa Araneta Coliseum sa February 17 at Cebu sa February 18. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino

02/15/2012 11:45 PMBookmark and Share