Kasal nina Ruffa at Yilmas, napawalang-bisa
Walang bisa ang kasal nina Ruffa Gutierrez at Yilmaz Bektas noong March 2003.
Ito ang desisyon na ipinalabas ng Taguig Regional Trial Court noong January 17, 2012.
Sa desisyon, nakasaad na psychological incapacity ang pinakamabigat na batayan ng korte sa pagpapawalang-bisa sa kasal.
Matatandaan na noong 2003 ginanap ang engrandeng fairy tale wedding ni Ruffa sa Turkish businessman na si Yilmaz dito sa Pilipinas.
Nanirahan si Ruffa sa Turkey at nagkaroon ng dalawang anak.
Noong 2007 ibinunyag ng mag-asawa na maghihiwalay na sila.
Tanong ni Boy Abunda sa isang panyam kay Ruffa: "Binubugbog ka ba? Sinasaktan ka ba? Pisikal ka bang sinasaktan ni Yilmaz?"
"Pagdating sa cultural differences, Tito Boy, madali 'yan 'pag binasa mo, madaling sabihin 'pag nagsalita, 'It's just cultural differences.' And one thing na hindi ko maintindihan is 'yung pananakit nila sa babae," sagot ni Ruffa.
Nakasaad din sa desisyon ng korte na ang "sole custody" ng kanilang mga anak na sina Lorin at Venice ay mapupunta sa kanilang ina, pero may visitation rights ang kanilang ama.
Ayon sa pahayag ng abugado ni Ruffa Gutierrez na si Atty. Howard Calleja, maituturing pa rin na legal na anak nina Ruffa at Yilmaz sina Lorin at Venice dahil sa batas na pinagbasihan ng pagpapawalang bisa sa kanilang kasal.
Masasabi rin daw na si Ruffa ay "officially single" na. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino
02/24/2012 11:13 PM







