Dawn, Richard, balik-Ilocos matapos ang 2 dekada

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Bukod pa sa pagiging top tourist topic sa ABS-CBN Choose Philippines website, patuloy ang pamamayagpag ng Ilocos Norte bilang paboritong movie at TV location.

Bukod sa “Panday” ni FPJ, “Himala” ni Nora Aunor, “Born on the Fourth of July” ni Tom Cruise, at “Thelma” ni Maja Salvador, sa Ilocos Norte rin bumusilak ang tambalang Richard Gomez at Dawn Zulueta sa "Hihintayin Kita sa Langit."

Sino ang makakalimot sa habulan nila sa burol ng Pagudpud nung 1991?

Pagkatapos ng dalawang dekada, balik-tambalan nila sa “Walang Hanggan.”

“He's my favorite, favorite leading man, and I think our chemistry on screen works so well,” ani Dawn.

“Wonderful din ‘yung reaction from people,” sabi ni Richard.

“Excited pa rin sila, hindi namin akalain, kahit after... the last time was 21 years ago. So when you think about it, andun pa rin sila,” dagdag pa ni Dawn.

Sa ubasan at gawaan ng alak din ng Ilocos Norte umiikot ang istorya nina Richard at Dawn.

Nagkatawanan lang sila dahil sa totoong buhay, madaling mamula si Goma sa red wine.

Walang dudang malaking bahagi ng kanilang chemistry ang pagiging ex-lovers nila noon sa tunay na buhay.

Masuwerte aniya sila, nauunawaan ng mga kabiyak nilang kongresista, sina Anton Lagdameo at Lucy Torres, ang kanilang sining.

“The past will always going to be there, and there are good memories also in the past,” ani Dawn. “O bakit ka natatawa? Sa totoo lang, ‘di ba?”

“We're like this because we're good friends. We can talk about anything, lalo na 'pag trabaho, we work well together,” sabi ni Richard.

“The passion in acting [was rekindled],” dagdag pa ni Richard.

“And actually the sense of humor, we're always laughing, He’s so kenkoy, I’m so kenkoy. I think that’s the one thing you and I have always enjoyed naman before,” ani Dawn.

Hangad din nina Goma at Dawn na patuloy na papakislapin ng Ilocos Norte ang kanilang sining. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino

03/21/2012 10:47 PM