Dennis Roldan, isa nang pastor

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Kilala siya bilang si Dennis Roldan o Mitchell Gumabao sa totoong buhay.

Artista noong dekada 80, professional basketball player at dating congressman ng Quezon City.

Pero nag-iba bigla ang kapalaran ni Dennis noong 2005 nang maaresto sa kasong kidnapping.

Halos dalawang taon siyang nabilanggo.

Pero ang pagdurusa sa likod ng rehas ang naging daan para makilala niya ang Diyos.

"Nag-start ako when I was in jail in Pasig, doon ko ini-devote ang time ko to study the Bible,” sabi ni Dennis.

Hindi rin daw niya pinagsisisihang makulong.

“Imbis na nagalit ako sa pagkakulong ko, o naging regret siya, hindi eh, ikinasaya ko siya, kasi doon ko nakilala 'yung Creator ko eh,” sabi ni Dennis.

Matapos makalabas ng kulungan, nag-iba ang buhay ni Dennis, isa siya sa mga pastor ng boxing champ na si Manny Pacquiao.

Payo niya kay Pacman…

“I just pray na tuna 'yang conversion at mag-grow siya at sana dumaan siya sa process. Kasi kapag hindi siya dumaan sa process, it becomes dangerous,” sabi ni Dennis.

Itinayo niya ang Jesus Christ the Lifegiver Ministry sa Quezon City kung saan nag ba-Bible study ang mahigit 100 hangang 300 deboto.

May eskwelahan at mga youth groups na nagba-Bible study.

“Talyer ko ito dati, tapos ginawa kong beerhouse. Ginawa ko itong parang mini-night club, may mga babae sa gabi, may sumasayaw, may naghuhubad. Tapos ginawa ko ding sugalan. Pero ang ending niya is in-offer namin siya para kay Lord para maging sanctuary niya,” sabi ni Dennis.

Kasabay ng pagbabagong-buhay, naayos rin niya ang buhay pamilya.

“I became a gentleman. Natuto ako maging tatay, natuto ako maging husband na hindi ko tinitignan ang sarili ko, tinitignan ko sila,” sabi ni Dennis.

At tungkol sa kanyang kaso…

“Kung ano ang maging desisyon sa kaso ko, so be it. Ang importante sa akin is ‘yung desisyon ng Diyos sa buhay ko,” sabi ni Dennis.

Malayo na rin daw sa kanyang isip ang mag-balik showbiz.

“I preach the good news, I need to model the word, papaano ako lalabas na kontrabida pa din ako? Magko-contradict eh,” sabi ni Dennis.

Patuloy ang patotoo ni Pastor Dennis kung paano binabago ng Diyos ang buhay ng isang tao. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino

04/03/2012 10:38 PM