Slater gusto munang maging kaibigan si Divine


Big reveal ng PBB grand winner na si Slater Young ang kanyang paghanga sa kapwa housemate na si Divine Smith. Nagpa-Patrol, Ginger Conejero. TV Patrol, Abril 4, 2012, Miyerkules

Parang nasa alapaap pa ang pakiramdam ni Slater Young ilang araw matapos siyang ideklarang grand winner ng “Pinoy Big Brother Unlimited” edition.

Suwertihan lang daw ang pagpasok at panalo sa bahay ni Kuya ng 24-year-old na civil engineer mula sa Cebu. Katunayan, ni hindi raw siya binoto ng kanyang magulang nu'ng umpisa ng kumpetisyon.

“They didn't vote for me in the first few months, kasi sabi daw nila ayaw nila to mess with the voting. They wanted to see if people really wanted me in,” ani Slater.

Bukod sa P2 milyon na ang bahagi ay ilalaan niya sa scholarship funds ng mga kabataan, binibigyang halaga rin ni Slater ang kanyang karanasan sa loob ng bahay ni Kuya. Kasama diyan ang bonding nila ng kanyang crush, ang Fil-British housemate na si Divine.

“Si Divine ‘yung unang pinaka-close ko. Marami kami, there were like eight of us. We met after ‘The Buzz,” sabi ni Slater.

Hindi lingid sa publiko ang sexual preference ni Divine. Ganun man, inaasahan ni Slater, mas lalalim pa ang kanilang samahan.

“Friendship muna. I don't see her going for a guy. Tingnan natin,” ani Slater.

Magkakasama ulit sina Slater at Divine sa isang dance number bago magbukas muli ang mga pintuan sa bahay ni Kuya para sa PBB Teen edition.

Dagdag excitement ang bagong host ni Kuya na si John Pratts.

Aabangan naman ang muling pagbubukas ng bahay ni Kuya para sa simula ng PBB Teen Edition 4 “The Funtastic Kickoff” sa Linggo na. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino

04/04/2012 10:56 PM