Wilma Doesnt, Elizabeth Ramsey kuminang

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Winasak ng komedyante at American black-Pinay model na si Wilma Doesnt ang karaniwang pamantayan ng alindog. Ito'y nang tanghalin siyang natatanging cover girl ng Playboy magazine.

Sa una niyang hubad na pictorial, pinakita ni Wilma na hindi balakid ang kulay ng balat, edad at imahe para maging simbolo rin ng kagandahan sa larangang karaniwang sinasamba ang mga bata at mapuputing representasyon ng kababaihan.

Ipinagmalaki rin ng two-time mother ang imahe niya bilang “cougar” o mas matandang babaeng kaakit-akit daw sa kalalakihan.

“Hindi lang mapuputi ang magandang i-cover sa magazine, ‘yung mga maiitim din, may space,” ani Wilma. “I love it!”

Sa edad na 80 anyos, ipinakita naman ng Jamaican-Pinay na si Elizabeth Ramsey na wala pa ring makakatapat sa kanyang showmanship at kahusayang magpasaya ng manonood.

Nakita ito sa concert kamakailan kasama sina Rico Puno at ang Stylistics. Walang tigil ang hagalpakan sa mga green jokes ng nanay ni Jaya na matibay pa rin kahit mahigit limang dekada na sa showbiz.

Pinagtawanan ni Elizabeth ang kanyang pagiging black beauty at mga ‘di malilimutang highlights ng kanyang career at love life.

Nagkaron ng bagong interes ang mga bagong henerasyon nang manonood kay Elizabeth kasunod ng top-rating at nag-trending niyang guesting sa “Gandang Gabi Vice” na nasundan pa ng commercial at iba pang shows. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino

04/18/2012 10:03 PM