Kim Chiu, pinabulaanang nagparetoke ng ilong at dibdib


Dalagang-dalaga na ang dating “Pinoy Big Brother Teen” grand winner na si Kim Chiu.

Ibinahagi ng aktres ang blessings sa kanyang ika-21 kaarawan, kasama ang mga naulilang bata mula sa Grace To Be Born Orphanage.

Kasunod ito ng private party niya sa New York na ginastusan ni Piolo Pascual ng $5,000 o higit P200,000.

"Libre ni Papa P, kaming lahat, so masaya naman kami," ani Kim.

Isa pang birthday adventure ni Kim ang skydiving at shopping sa US.

"Ang gift ko sa sarili, everyday shopping doon... Mga damit, hindi bag kasi 'di mabigat," sabi ng teen star.

Kasabay ng kaarawan ang mas mature na pananaw ni Kim tungkol sa mga intriga, gaya ng isyung pagpaparetoke umano niya ng ilong at pagpapadagdag ng dibdib.

"Wala naman po, parang, 'Bakit? Bawal bang mag-mature?' Ilong ko... gumagalaw pa naman sila," pabirong sabi ni Kim.

Hamon pa ni Kim: "Kung gusto nila, i-prove ko sa kanila... Kasi wala talagang ganu'ng pagbabago."

Aminado ang teen star, nalulungkot siya sa mga usap-usapan tungkol sa kanyang itsura.

Dati na rin kasi siyang binatikos dahil sa sobrang kapayatan.

Hindi raw niya pinepersonal ito lalo't naniniwala siyang mas mahalaga ang inner beauty.

"Hindi naman talaga dapat physical lang 'yung kagandahan mo, kasi nga sa 'kin 'pag mabait ka maganda ka na," aniya.

Magbabalik-telebisyon si Kim sa “Binondo Girl.” Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino