Jessica masakit ang lalamunan isang araw bago ang 'Idol'


Bukas sa “American Idol” top 3 performance night, sasabak na naman ang pambato ng mga Pinoy na si Jessica Sanchez.

Umaasa ang kanyang mga fans na bukas ay magaling na ang kanyang lalamunan na kanina ay hindi raw maayos, ayon sa kanyang tweet.

Tatlo ang kakantahin ng mga contestants ngayong linggo: isa ay pinili ng judge, isa ay pinili ng “Idol” mentor at record producer na si Jimmy Iovine at ang huli ay ang mismong pinili ng contestant.

Sa nakaraang panayam ng ABS-CBN kay Jessica, nabanggit ng singer na kung papalaring makapasok sa finale ay may mga pangarap itong maka-duet.

"I love Jennifer Hudson and Fantasia. I love both of them. Vocally, they're amazing. Oh my gosh, I love Eminem. You don't understand how much I love him. If I saw him, I'd die. Like, I would die," sabi ni Jessica.

Samantala, sa isang news report na kalalabas lamang sa Amerika ay ipinakita na bata pa lamang si Jessica ay palaban na talaga ang boses.

Ito ang dahilan kaya dumadami ngayon ang mga kabataang Pinay na gustong sundan ang yapak ni Jessica.

“She has a great voice and she's inspiring to a lot of people, too," sabi ni Kiarah Serrano, umiidolo kay Jessica.

Ayon sa mga “Idol” experts, panahon na isang babae ulit ang manalo.

Kung mangyayari ito, susunod si Jessica sa yapak ni Jordin Sparks, ang huling female winner, at si Jessica rin ang magiging pinakabatang kampeon sa “American Idol” history. Yong Chavez, Patrol ng Pilipino, Los Angeles, California

05/17/2012 12:29 AM