Prayer vigil ikinasa vs Lady Gaga concert


Ganito kapangahas ang mga music video ng American pop superstar na si Lady Gaga na sumikat sa mga kantang “Poker Face,” “Bad Romance” at “Born this Way.”

Pero pinupukol ito ng batikos ng religious groups dahil sa mensahe at simbolismo umano sa likod ng mga kanta ng pop icon.

Malinaw umanong pinatutungkulan ng kanta ang disipulong nagtatwa kay Hesus. Makikita umano ang singer na nakasuot na mala-Mary Magdalene katabi ang mistulang si Hesus at 12 bikers o disipolo.

Ayon pa sa religious group na Intercessors for the Philippines, malinaw na pinapalaganap ni Lady Gaga ang mga Satanic ritual. Kaya naman sinimulan nila ang 72-hour worship at prayer vigil para tutulan ang concert ni Lady Gaga sa May 21 at 22.

“’Yung kanyang paggamit ng mga imageries at mga lyrics na direktang lumalaban sa Panginoon,” sabi ni Pastor Joel Bataclan ng IFTP.

Ayon sa Commission on Youth ng CBCP, labag sa pagiging Kristiyano ang klase ng entertainment ni Lady Gaga.

“Kinokopya nila lahat eh – ang pag-iisip, ang pagkilos, ang paggalaw,” sabi ni Fr. Conegundo Garganta, executive secretary ng Commission on Youth ng CBCP.

Maging mga Muslim, tutol din kay Lady Gaga at hindi pinayagan ang concert niya sa Indonesia. Banned na rin si Lady Gaga sa South Korea.

Hati naman ang Pinoy fans na na-impluwensyahan ng musika ni Lady Gaga.

“Kung ano siya, ‘yun lang pinapakita niya, no pretensions,” anang isa.

Pero kampante naman ang producer na matutuloy ang concert.

Napakalaki ng loob nitong arena. Nasa 16,000 katao ang puwedeng kumasya rito para manood ng concert.

Pero ilang araw bago ang concert, patuloy ang prayer at worship ng IFP na magtatapos sa tinaguriang “Jericho March” sa Sabado patungo sa Mall of Asia. Apples Jalandoni, Patrol ng Pilipino

05/17/2012 11:16 PM