Jessica Sanchez pasok na sa Top 2 ng ‘American Idol’

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Hindi binigo si Jessica Sanchez ng kanyang Pinoy fans na paulit-ulit na bumoto kagabi. Pasok sa Top 2 ang Fil-Mexican.

Ang paborito at madalas na purihin ng judges na si Joshua Ledet ang natanggal.

Mugto ang mata at malungkot ang singer pero ayon sa marami ay magandang career pa rin ang naghihintay kay Joshua.

Halos 90 million votes ang pumasok ngayong linggo.

Matapos ang suspense ng show, nakangiti na sa backstage si Jessica.

Nagpasalamat din sa fans ang kanyang ina.

Ang singer na si Jennifer Holliday ang isa sa mga masugid na taga-suporta ni Jessica.

Palagi niyang ineengganyo ang Twitter followers na iboto si Jessica na para na raw niyang anak.

Ang isa pang celebrity fan ni Jessica ay ang broadway Fil-Am star na si Anna Maria Perez de Tagle.

“I'm very proud of Jessica Sanchez. I look at her and I think the Filipino Whitney Houston. Her voice is so powerful,” sabi ni de Tagle.

Dahil sa karangalang hatid ni Jessica sa sambayanang Pilipino, idinadagdag na siya ngayon sa Historic Filipino Town Mural ng artist na si Eliseo Art Silva.

Nanood din ng “American Idol” live sa CBS Studios si Angelo Santos, US congressional award-winning couturier.

“Talagang napakasaya ng mga tao. Pati ako sumisigaw ako ng ‘Jessica, Jessica!’ Kitang kita mo ang suporta ng mga tao sa kanya. Palagay ko siya talaga ang mananalo sa grand finals,” sabi ni Santos.

Sa finale at huling pagkakataon ay magtatagisan ng galing sina Phillip at Jessica.

Pero ang sigasig ng fans na bumoto ang magdidikta kung sino ang magiging season winner.

Sa finale sa isang linggo, malalaman kung sino ang mas malakas: ang mga tagahanga ni Phillip Phillips o ang mga Pinoy power-voters ni Jessica Sanchez. Yong Chavez, Patrol ng Pilipino, Los Angeles, California

05/19/2012 12:17 AM