Jessica, Phillip naghahanda para sa ‘Idol’ finale


Dalawang young singer, parehong palaban para maging Season 11 winner.

Mas maaga ng isang araw ang botohan at results show sa Martes ng gabi sa Amerika o Miyerkules sa Pilipinas ang huling gabi ng kompetisyon at botohan.

Kinabukasan, sa isang two-hour show kung saan special guest ang music superstar na si Rihanna, ay ihahayag ang Season 11 “American Idol” champion.

Tatlo ang aawitin nina Phillip at Jessica.

Una, ang kanilang paboritong kinanta ngayong season. Pangalawa ang pinili ng “Idol” producer na si Simon Fuller at huli ay isang original song na magiging unang kanta ng mananalong contestant.

Kapwa abala ang dalawa sa pag-eensayo.

Lingid naman sa ilan, may seryosong karamdaman si Phillip sa kidney pero tatapusin daw muna nito ang finale bago magpagamot.

Sa press statement, sinabi naman ni Jessica na sobra sobra pa sa kanyang inaasahan ang kanyang naabot lalo pa ang pumasok sa top two.

Hindi naman bumibitiw ang Pinoy fans na todo-suporta kay Jessica.

"I'm actually gonna miss half-day of work just to watch the finals,” sabi ng tagahanga ni Jessica na si Melissa.

Sa 11 seasons ng “American Idol,” limang Fil-Ams ang nakasali sa Top 12: sina Jessica, Thia Megia, Ramielle Malubay, Camille Velasco at Jasmine Trias na sa nakaraang panayam ay nagbigay ng payo kay Jessica.

"She is already so talented but because she is so young, she could lose herself in all of it. I would say just keep grounded,” sabi ni Jasmine.

Bago ihayag ang season winner, makakasama muli nina Jessica at Phillip ang top 12 sa entablado.

Matapos ang ilang buwan ng matinding kompetisyon, dito sa Nokia Theater magaganap ang huling pagtatagisan ng galing nina Phillip at Jessica. Yong Chavez, Patrol ng Pilipino, Los Angeles, California

05/21/2012 11:19 PM