Day 2 ng concert ni Lady Gaga, nagpatuloy

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Mula sa makapigil-hiningang opening number, mala-kastilyong stage, at all-out production number, ito ang nagpa-indak sa Pinoy fans sa Manila concert ni Lady Gaga.

Ang ilang fans ipinadala pa ang kuha nila sa concert.

Pero may nadismaya.

Tulad ng fan na ito na hindi pinayagan ang costume niya na nagkakahalaga umano ng P10,000 sa loob ng venue.

“Hard wood daw [kasi], for security reasons. Sa akin lang, kung security purposes sana sinabi sa website, kung ano ang dapat at hindi dapat suotin. Hindi ‘yung papahubarin ka na lang out of nowhere,” sabi ng fan.

Pero hindi napigil si Lady Gaga na kinanta pa ang single niya na "Judas" na pinupukol ng batikos ng religious groups dala ng umano’y satanic symbols.

May puntong napaiyak din umano ang singer dahil sa mga kumukontra at nagpoprotesta sa kanyang concert.

Sa video naman na inilagay ni Tony Suplico sa YouTube, nagpasalamat si Lady Gaga sa kanyang fans.

“Some people think that I stand for really inappropriate things, things that are really bad. Listen, you don't have to boo, I am slightly irresponsible. But they are not completely right and the truth is I want the best for you,” sabi ni Lady Gaga sa kanyang mga fans.

Enjoy naman sa panonood ang ilang celebrities sa concert.

“I’m just here to experience how it is when Lady Gaga does a concert,” sabi ni Jed Madela.

“It’s always inspiring to see artists who are honest to their music who can make people dance,” sabi naman ni Ely Buendia.

“Sobrang OK ‘yung concert. She’s very entertaining at nakita ko na talagang all-out siya tonight,” sabi ng anak ni Vicki Belo na si Crystalle Henares.

“She encourages the youth to be themselves. Hindi niya ine-encourage na maging bastos o malaswa,” sabi naman ni Mocha Uson.

Ayon naman kay Mayor Tony Calixto, wala silang nakitang paglabag sa concert ni Lady Gaga.

Iba-iba raw ang interpretasyon sa kantang 'Judas' at ang krus sa entablado ay ‘di naman umano winasiwas.

“Nakita naman namin na lahat ng kondisyones sa special permit na aking ibinigay ay sinunod naman ng promoter,” sabi ni Calixto.

05/22/2012 10:20 PM