Lungsod ng Maynila, binigyan ng parangal si Dolphy

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Malinaw pa rin kay Bella Flores ang henyo ni Dolphy bilang komedyante sa mahigit 20 pelikulang pinagsamahan nila sa Sampaguita Pictures.

“Sumasayaw kami ng tango tapos may kagat akong rose. Tapos mamayang konti pinakita ‘yung hagdanan na may bakal, nakaipit ako doon, ewan ko kung papaano nagawa iyon,” sabi ni Bella.

Ngayon sobra ang kanyang hinagpis sa pinagdadaanan ng Comedy King.

“Lord, huwag mo naman pong kunin muna si Dolphy. Bigyan mo pa siya ng maraming araw sa lupa para ‘yung mga anak niya maligaya silang magsasama-sama,” sabi ni Bella.

Ito rin ang dasal ni Boy Alano na nakasama si Pidol sa “Batman.”
 
“Hindi ka pa kukunin ni Lord. Napakabait na tao [ni Dolphy],” sabi ni Boy.

Pinarating naman ni Susan Roces ang kanyang saloobin sa anak na MTRCB chairperson Grace Poe Llamanzares.

Mula 1956 hanggang ngayon, malalim ang pinagsamahan nina Dolphy, Susan at ang yumaong kabiyak na si FPJ sa showbiz at pulitika.

“Nakikita naman natin ‘yung aming pamilya talagang emotional kasi sa industriya natin, marami kang kaibigan pero mabibilang mo lang sa isang kamay ‘yung talagang sinsero na kaibigan. Nagbalik-tanaw din na kung kailan pa nasa ICU si FPJ noon, doon lang nakikilala ang mga kontribusyon nila,” sabi ni Grace.

Nasabi na rin ni Susan ang lahat kay Dolphy nu’ng malakas pa ito.

Ikinalungkot naman ni Grace ang maingay na isyung dapat nang ibigay ang National Artist award sa Comedy King.

Aanuhin pa raw ba ang damo kung wala na ang kabayo?

Matatandaang na-nomina noon pang 2009 si Dolphy sa National Artist awards pero na-bypass ito dahil umano sa dikta ng pulitika.
 
“Ano ba naman ang lahat ng recognition kung hindi na maririnig at maa-appreciate ng tao? Sana noon pa, noong 2009 ay pinapursigahan nang gawin. Lahat tayo ay guilty din diyan dahil sana itinulak natin ‘yung proseso na ‘yan,” sabi ni Grace.

Magkagayunman, konsuwelo raw marahil sa pamilya ni Dolphy na sobra-sobra na ang naiambag ni Dolphy sa sining at kultura.

“Napakagaling niya bilang isang ama, bilang isang Pilipino,” sabi ni Grace.

Kanina, nauna na ang lungsod ng Maynila sa pagkilala sa ambag ni Dolphy sa sining.

Iginawad sa kanya ang pinakamataas na parangal bilang patnubay ng sining at kalinangan, kaugnay sa pagdiriwang ng ika-441 araw ng Maynila.

Ang anak ni Dolphy na si Vandolph ang tumanggap ng parangal.

Umaasa ang lahat na magpapatuloy ang recovery ni Dolphy sa tulong ng  bagong teknolohiya ng medisina, tulad ng dramatikong pagbangon ng Comedy King sa hirap ng kanyang heart bypass nu’ng taong 1998. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino

06/22/2012 11:29 PM