2 bagong Kapamilya show, magsisimula bukas


Umabot sa 70 cities at higit 20,000 na nag-audition.

Sa loob ng walong buwan, naghanap ang “X-Factor Philippines” ng bagong talento sa bansa.   

Kaya matapos ang mabusising proseso, sabik na ang X-Factor judges na sina Charice, Gary Valenciano, Martin Nievera at Pilita Corales na ipakita ang talento ng mga audition.

Bukod sa pagkakataong manalo ng premyong P4 million, binibigyang halaga ng judges at host na si KC Concepcion ang pagkakataong ma-showcase ang talento ng mga finalists at madiskubre ang susunod na big star ng bansa.

Bukas ng gabi, pagkatapos ng “Maalaala Mo Kaya” ang premiere ng X-Factor Philippines sa ABS-CBN.

Samantala, hindi naman nagpahuli ang mga bagets sa pagpakitang gilas ng kanilang talento sa bagong talent camp ng ABS-CBN.

Bigay na bigay sa pagsayaw ang 12 iShiners sa press launch ng kanilang bagong programa sa ABS-CBN.

Hindi nahiya sa mga kamera ang mga cutie na ipakita ang kanilang iba't ibang pop dance moves, pagkembot at maging ang “dougie” dance.

Napahanga tuloy ang hosts ng programa na sina Dimples Romana, Matteo Guidicelli at Xian Lim sa talento ng mga bata. 

Pero bukod dito, ipinagmamalaki rin ng mentors ng programa kabilang dito sina John Prats at Direk Bobot at Franzo Mortiz ang kakaibang bonding ng kids sa mentors at hosts.

Katunayan, binuking pa ng isang child finalist ang lalim ng pagkakaibigan nina Xian at Kim Chiu.

Aminado ang actor, tuluyang lumalalim ang pagsasama nila ni Kim.

“We're close, we're comfortable. Hindi ba nga, from the start of “Binondo Girl.” We trust each other. We take it step by step,” sabi ni Xian.
   
Ipapalabas na ang Pre-School iShine Talent Camp sa Sabado, 9:30 ng umaga. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino