Derek, may-asawa na, ayon sa NSO document


Hindi pa humuhupa ang bagyo ng kontrobersiya sa 4 na taong relasyon ng star couple na sina Derek Ramsay at Angelica Panganiban.

Ang isa pang matinding unos, kasal na si Derek sa model ex-girlfriend, base sa nakuhang official marriage contract ng ABS-CBN News mula sa National Statistics Office.

Alas-3 ng hapon, April 3, 2002 ikinasal si Derek Arthur Ramsay sa 21 anyos na si Mary Christine Jolly, isang Indian-Filipina na ipinanganak sa Las Piñas.

Ang kasalan ay naganap sa mayor's office ng Balagtas, Bulacan.

Nakapirma ang 2 testigo sa kasal at ang solemnizing officer ay ang dating Balagtas mayor na si Reinaldo Castro.

Sa pagsusuri ng marriage contract ng family lawyer na si Atty. Jean Ferry, legal pa ang kasal ni Derek.

“Their certificate of marriage has no annotation that is required. Then on its face, the marriage is still subsisting and still valid... He is still married,” sabi ni Ferry.

Ang mainit na rebelasyon, matapang at matatag na hinarap ngayon nina Derek at Angelica.

“My lawyer will be the one to take care of that. This is a very personal matter which I will share to everyone and have to face in the coming months,” sabi ni Ramsay.

Pinagkukunan ng lakas ni Derek ang mismong girlfriend na si Angelica Panganiban.

“For me, just like all the other intrigues that happen every month, I’m gonna focus on my work and for those who have been very supportive,  I want to say, thank you, and let you know that she stands by me and our relationship is very very strong,” sabi ni Ramsay.

“Siyempre gusto naming harapin na masaya ‘di ba? So tina-try namin ang best namin na labanan ito na okay kami,” sabi naman ni Panganiban.

Tikom ang bibig ng tinutukoy na asawa ni Derek.

Nagkaroon man ng batik sa kanyang imahe, matapang at nagpakalalaki ngayon si Derek na hinarap ang hamon sa kanyang buhay at career. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino