Amalia sinaksak umano ng payong

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Kalimitang tahimik at walang gulo sa complex na ito sa New Rolling Hills Subdivision sa New Manila -- taliwas sa eksena kahapon kung saan nagka-iringan ang aktres na si Amalia Fuentes at kanyang tenants.

Base sa police blotter, Miyerkules, 5:00 ng hapon nang magkaroon umano ng mainit na argumento sa pagitan ni Amalia at ng mag-asawang Peter at Rosemarie Tan-Licup na nangungupahan sa dating bahay ni Amalia.

Ang sagutan nauwi umano sa sakitan at pananaksak kay Amalia ng payong.

Sa ngayon, nananatili sa ospital si Amalia dahil sa 3mm stab wound sa likod. Maga rin ang kanang bahagi ng mukha ng aktres at may pasa sa kamay.

Paliwanag ni Amalia, nagmula ang away sa 'di nabayarang upa, tubig at kuryente sa kanya ng mag-asawa na umabot na sa halos P400,000.

“Pagdating ba naman nung Rosemarie Licup, for no reason, I was just there in the car, she started clapping. Para bang nanunuya, and then she call me pa ‘magnanakaw.’ I said, ‘Ikaw ang magnanakaw. Ninanakaw mo ‘yung electric power.’

“I felt a sharp object going through. Ewan ko kung hinataw,” ani Amalia.

Sangkot din sa away ang anak ni Amalia na si Geric Stevens.

Ayon kay Geric, hindi lang siya tinutukan ng baril ng tatlong armadong lalaki, kinasa at kinalabit ang trigger ng isang kasamahan ni Tan-Licup pero hindi ito pumutok.

“Naramdaman ko ‘yung magazines nung baril at ‘yung baril, and then the gun flew or slid. ‘Yung driver nila na Dindo picked up the gun, cocked it, and pulled the trigger. Buti nalang hindi siya marunong bumaril, he cocked it with the safety on, hindi talaga ‘yun puputok,” sabi ni Geric.

Sinikap naman ng ABS-CBN News kunin ang panig ni Tan-Licup, pero ayon sa tauhan nito sa bahay na si Lester Coligado, umalis ang mag-asawa at pamilya nito matapos ang away.

Depensa ni Coligado na testigo raw sa mga pangyayari, sila raw ang agrabyado.

“Nagpunta dito sa Amalia atsaka ‘yung anak niya, tapos nagmura-mura siya dito. Si Amalia po, hinampas po niya ‘yung sir namin,” sabi ni Coligado.

Hindi raw totoo na may utang ang kanyang amo kay Amalia.

“Bayad po kami. ‘Yan po palang tubig na ‘yan, limang bahay po pala nakakakabit diyan,” sabi pa ni Coligado.

Wala rin daw basehan ang akusasyon na sangkot sa iligal na gawain ang mag-asawa.

“I know there must be something going on na hindi ko alam matukoy kung ano,” sabi ni Amalia.

“Business nila parang sa pang-aartista, events,” ani Coligado.

Naghahanda na si Amalia magsampa ng mga kaso laban sa mag-asawang Tan-Licup, kabilang na rito ang frustrated murder. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino
 

07/05/2012 9:23 PM