Mariel, Robin, pinag-iisipang magpakasal sa simbahan


Hindi maitago ang kasiyahan ni Mariel habang hawak-kamay na kasama si Robin sa kahabaan ng Champs Elysee, ang tinaguriang lovers’ lane ng Paris.

Ito ang kauna-unahang biyahe ni Mariel sa Europa na kung saan bumisita rin ang dalawa sa Roma at Amsterdam sa loob ng isang linggo.

Second honeymoon, anila, ang Paris, matapos ang isang Muslim wedding ceremony sa India noong nakaraang taon.

Kapansin-pansin na super sweet ang dalawa na panay ang halik at yakap sa bawat isa.

Dahil sa karanasan sa Europa, pinagtutuunan na ni Mariel ang alok ni Robin magpakasal sa simbahang Katoliko.

“Gusto niya talaga mangyari ‘yun for me,” sabi ni Rodriguez.

Niliwanag ni Mariel na walang tutol sa kanyang pamilya at mga kaibigan na pakasalan si Robin.

Wala rin silang plano ni Robin na magka-baby kaagad.

“Not yet, hindi na namin magagawa ito kapag may baby na kami. Pa'no na ‘yung baby?” sabi ni Rodriguez.

Bahagi si Robin ng Kapamilya Fiesta Caravan Show sa Paris na itinanghal ng Regional Network Group at The Filipino Channel ng ABS-CBN noong Linggo.

Dinumog ang RNG-TFC show lalo na nang ipakilala si Robin na hinintay ng lahat.

Kasama ni Robin sa Caravan ay ang kanyang co-stars sa primetime teleserye hit “Guns and Roses” na sina Diether Ocampo at Bea Alonzo. Para sa Europe News Bureau, Danny Buenafe, Patrol ng Pilipino, Paris